Pagtatanggol sa China sa socmed kinondena

Mar Rodriguez Apr 20, 2025
15 Views

Police Station Police Station Rep. MadronaBILANG vice-chairman ng House Committee on Transportation, kinondena ni Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang umiiral na kampanya umano sa social media sa pamamagitan ng pagtatanggol sa China kasabay ng paninira sa posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Nauna ng inihayag ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela ang tinatawag na “coordinated and malicious” na kampanya ng fake news sa social media na tila ipinagtatanggol ang China kasabay ng layunin na pahinain ang posisyon ng gobyerno ng Pilipinas sa WPS.

Dahil dito, binigyang diin ni Madrona na hindi katanggap-tanggap, hindi lamang para sa kaniya bilang beteranong mambabatas, kundi para na sa buong mamamayang Pilipino ang nabanggit na kampanya sa social media na maituturing na isang pagtataksil sa bayan.

Sabi ni Madrona na ang naturang post sa social media ay wala ng ipinagkaiba sa mga “Makapili” noong World War 2 kung saan kumampi sa puwersa ng mga Hapon ang ilang Pilipino. Habang ngayon naman ay mistulang kumakampi at pumapabor pa sa China ang ilang kababayan natin sa halip na pangalagaan ang interes ng Pilipinas sa WPS.

Inihayag ni Commodore Tarriela na dalawang Pilipinong vloggers na nakilalang sina Anna Malindog Uy at Ado Paglinawan ang nag-post ng mga content na nagpapalakas ng pro-China na disinformation.

Bunsod nito, labis namang ikinalulungkot ni Madrona na may mga Pilipino ang mas pumapanig pa sa China sa halip na magpahayag sila ng simpatya para sa mga Pilipinong ginigipit ng mga Intsik partikular na ang mga mangingisda na binu-bully ng Chinese Coast Guard (CCG) kasama na ang mga tauhan ng PCG.

Samantala, pinngunahan ni Madrona ang pagpapasinaya at inagurasyon ng bagong Concepcion Municipal Police Station na isa sa kaniyang mga proyekto.

Ani Madrona, ang konstruksiyon ng bagong police station ay naglalayong mapanatili sa nasabing lugar ang kaayusan at katahimikan lalo na ngayong panahon ng eleksiyon.

Naroon din sina Philippine National Police (PNP) MIMAROPA Regional Director Police-Brig. General Roger L. Quesada, PNP Romblon Provincial Director Police Col. Rexton Sawi, Gov. Jose “Otik” R. Riano, Vice-Gov. Armando “Arming” Gutierrez at iba pa.

To God be the Glory