Cruz

Pagtatatag ng Commission on Filipino Values sa ilalim ng DepEd iminungkahi

Mar Rodriguez Mar 31, 2023
178 Views

NAIS nang isang kongresista na maikintal sa mga Pilipino ang “moral values” upang magkaroon sila ng magandang pag-uugali. Kaya isinulong nito ang kaniyang panukalang batas sa Kongreso para maitatag ang Commission on Filipino Values na pangangasiwaan ng Department of Education (DepEd).

Sa ilalim ng House Bill No. 7696 na isinulong ni Taguig-Pateros 1st Dist. Congressman Ricardo S. Cruz, Jr., layunin nito na maituro ang moral values sa mga Pilipino lalo na sa mga kabataan. Kabilang dito ang paggalang sa mga matatanda, kabutihan, compassion at iba pang magagandang kaugalian.

Ipinagmalaki din ni Cruz na sa kaniyang Distrito ay maraming City Ordinances ang kanilang isinulong para magkaroon ng tinatawag na “moral uprightness” ang mga mamamayan ng Taguig-Pateros.

Sinabi ni Cruz na kabilang sa pagsusulong ng “moral uprightness” sa kanilang Distrito ay ang pagbabawan o ang pag-ban sa mga night clubs, motels, masahihan na nag-aalok ng extra-service at iba pang lugar na talamak sa aspeto ng kalaswaan o nagsusulong ng “immoral conduct”.

Binigyang diin pa ng mambabatas na bunsod ng pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya. May mga kabataan aniya ngayon ang unti-unti ng nakakalimot sa kahalagahan ng “moral values”. Dahil narin sa mga bagay na nakikita nila sa internet, social media at iba pang media platforms.

Dahil dito, ipinaliwanag pa ni Cruz na ang itatatag na Commission on Filipino Values ay pangangasiwaan mismo ng DepEd Secretary bilang Chairperson at tatayong Chairperson din ang Commission on Higher Education (CHED). Kabilanga din dito ang dalawang mambabatas mula sa Kamara de Representantes.

Bagama’t mayroon na umanong batas kaugnay dito sa pamamagitan ng Republic Act No. 11476. Subalit binigyang diin pa ni Cruz na nais lamang nilang lalo pang paigtingin ang pagtuturo ng moral values sa mga Pilipino.