Madrona

Pagtatayo ng mas maraming TRA, suportado ng House Committee on Tourism

Mar Rodriguez May 29, 2024
113 Views

SUPORTADO ng Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang naging pahayag ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na kailangang magtayo pa ng mas maraming Tourism Rest Area (TRA) sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas.

Naniniwala si Madrona na ang paglalagay ng mas maraming Tourism Rest Area (TRA) sa iba’t-ibang lugar o lalawigan sa bansa ay bahagi ng inisyatiba ng Department of Tourism (DOT) para makipag-compete ang Pilipinas sa larangan ng turismo laban sa mga karatig bans anito sa Asia.

Binigyang diin ni Madrona na may ibubuga o laban ang Philippine tourism kaya kinakailangan ng mga inisyatiba at pamamaraan upang mas lalo pa itong mapalakas sa pamamagitan ng mga ipatatayong TRA partikular na sa mga lugar na malimit puntahan ng mga dayuhan at lokal na turista.

Sinasang-ayunan din ni Madrona ang pahayag ni Pangulong Marcos, Jr. na kasalukuyang nahaharap sa mahigpit na kompetisyon o “stiff competition” ang turismo ng Pilipinas laban sa mga karatig bansa nito na nagpapamalas din ng matinding performance para sa kanilang turismo.

Sabi pa ng kongresista na malayo-layo pa ang lalakbayin ng Philippine tourism bago nito makamit ang pagiging “tourism powerhouse” sa Asia. Kaya kinakailangang mas lalong paigtingin ng Tourism Department ang kanilang programa para makahikayat ng maraming dayuhang turista.

Ayon kay Madrona, kabilang sa mga bansang nagsisilbing mahigpit na ka-kompetensiya ng Pilipinas sa pagpo-promote ng turismo ay ang mga bansang gaya ng Korea, Indonesia, Vietnam at Thailand.