GMA

Pagtatayo ng ospital para sa OFWs inaasahang maisasabatas

Mar Rodriguez Jun 30, 2023
139 Views

OPTIMISTIKO si House Deputy Speaker at Pampanga 2nd Dist. Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo na sa pagpapatuloy ng 2nd Regular Session ng Kongreso at Senado ay pormal ng maisasa-batas ang House Bill No. 479 na naglalayong magtayo ng ospital para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Pagkatapos maaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 479 na inakda ni Macapagal-Arroyo bago ang mag-Sine Die Adjournment. Umaasa ang dating Pangulo na pormal itong maisa-batas sa resumption sa Senado at Kongreso.

Ipinaliwanag ni Macapagal-Arroyo na malaki ang maitutulong ng House Bill No. 479 para sa mga OFWs sa panahong mayroong magkasakit sa kaniyang pamilya o mahal sa buhay. Sapagkat maaari nilang magamit o ma-avail ang mga makabagong kagamitan o technologies sa itatayong OFW hospital.

Sinabi din ni Macapagal-Arroyo na ang mga OFWs ang itinuturing na “modern day hero” o makabagong bayani ng Pilipinas. Kaya nararapat lamang na mabigyan sila ng insentibo o konsuwelo upang maipakita sa kanila ang malasakit at pagkilala ng pamahalaan sa kanilang malaking sakripisyo.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Macapagal-Arroyo, ang pagtatayo at pagtatatag ng OFW hospital ay magbibigay ng tinatawag na “critical health services” na nakatutok sa kagalingan o welfare ng mga OFWs kabilang na ang kanilang pamilya.