Tulfo

Pagtutok sa edukasyon, kalusugan, katapatan sa paggugol ng pondo nagkaisang hiling nina Tulfo, Cayetano

184 Views

NANAWAGAN sina Senador Erwin T. Tulfo at Pia S. Cayetano ng iisang pagtutok sa edukasyon, kalusugan, at katapatan sa paggugol ng pondo sa ginanap na Bicameral Conference Committee deliberations para sa 2026 national budget.

Ayon kay Tulfo, dapat ituring ang edukasyon at kalusugan bilang “strategic investments that determine whether our people merely survive or truly thrive.” Dagdag niya, “hindi ito mga optional expenditures kundi twin foundations of long-term national development.”

“Sa edukasyon,” wika ni Tulfo, “hinaharap natin ang learning poverty, siksikang silid-aralan, mababang sahod ng mga guro, at henerasyong hirap bumangon mula sa mga taon ng pagkagambala.”

Kailangan umano ng sapat na pondo para sa mga silid-aralan, kapakanan ng guro, digital learning tools, at tulong sa mga estudyante upang “makabuo ng makabago at matatag na bansa.”

Sa kalusugan, sinabi ni Tulfo na “ang ating mga ospital ay labis ang pasyente, kulang sa suporta ang mga health workers, at hindi pantay ang access sa dekalidad na serbisyong medikal.” Binalaan din niya ang mga kasamahan sa posibleng maling paggamit ng pondo sa mga proyektong pang-imprastruktura, partikular na sa flood control. “Bawat pisong nauuwi sa korapsyon ay isang silid-aralan na hindi natayo, isang kama sa ospital na hindi naibigay, at isang buhay na nalagay sa panganib,” aniya.

“Ang bicameral conference na ito ay pagkakataon upang itama ang direksyon, ihanay ang mga pondo sa mga sektor na direktang nag-aangat sa ating mga mamamayan, at ibalik ang tiwala ng publiko sa proseso ng badyet,” ani Tulfo. “Gumawa tayo ng badyet na inuuna ang mag-aaral at pasyente, at patunayan na kayang piliin ng Kongreso ang tao higit sa pork at progreso higit sa pandarambong.”

Samantala, sinabi ni Cayetano na magiging epektibo lamang ang Zero-Balance Billing (ZBB) kung lubos na mapopondohan ang PhilHealth. “Kung naibigay sa PhilHealth ang bawat pisong nakalaan dito, ang pangakong Zero-Balance Billing ay hindi sana limitado sa iilang ospital. Magiging tunay itong garantiya para sa bawat Pilipinong pasyente,” wika niya.

Tinukoy niya ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara ng ilegal ang paglilipat ng ₱60 bilyong pondo ng PhilHealth sa National Treasury noong 2024. “Hindi ito usapin ng unfunded law. Ito ay earmarked. Kaya saan napunta?” ayon kay Cayetano.

Ipinakita niya ang kabuuang kakulangan na ₱129.96 bilyon sa mga taon 2023 hanggang 2026. Kabilang dito ang ₱4.9 bilyon noong 2023, ₱38.73 bilyon noong 2024, ₱69.81 bilyon noong 2025, at ₱16.52 bilyon para sa 2026.

Dagdag pa niya, ₱106.95 bilyon mula sa PCSO at PAGCOR revenues noong 2019 hanggang 2025 ay hindi rin naibigay sa PhilHealth. “Ito ay hindi mga teknikalidad,” sabi ni Cayetano. “Ito ang dahilan kung bakit hindi ganap na naipatupad ang Zero-Balance Billing.”

“Hindi natin maaaring ipagdiwang ang desisyon ng Korte Suprema at sa parehong badyet ay ipagpatuloy ang kakulangan ng pondo sa PhilHealth,” dagdag niya. “Kung gusto nating magtagumpay ang Zero-Balance Billing, dapat ibalik ang bawat pisong nakalaan sa kalusugan ng ating mga mamamayan at ayusin ang prosesong paulit-ulit na kumakaltas dito.”

Parehong iginiit nina Tulfo at Cayetano ang pangangailangang matiyak na ang paggastos ng pamahalaan para sa 2026 ay direktang nakikinabang ang mga Pilipino sa edukasyon at kalusugan, na may kasamang malinaw na pananagutan at katapatan sa paggamit ng pondo.