Guanzon

Pagwawala ni Guanzon sa mall nag-viral

Edd Reyes Dec 7, 2025
474 Views

MATAPOS mag-viral sa social media ang pagwawala sa isang mall sa Makati City ni Atty. Rowena Guanzon, dating Commission on Elections (Comelec) commissioner, naghain siya ng pormal na reklamo sa pulisya laban sa Chinese national na nagpaalis sa kanya sa mall.

Nagsimulang magwala si Guanzon nang pagsabihan umano siya ng dayuhang si alyas “Chiong” na umalis sa loob ng Rockwell Power Plant Mall sa kanto ng Rockwell Drive at Estrella Street, Barangay Poblacion, dahil nakakahawa umano ang pag-ubo niya sa maraming tao noong Sabado ng gabi.

Pinagsabihan pa umano ng dayuhan si Guanzon na walang pambili ng face mask na dahilan para sumiklab ng tuluyan ang galit ng dating opisyal at nagsisigaw na may kasamang pagmumura at panlalait sa dayuhang Chinese, na nakaagaw ng atensiyon sa maraming tao sa mall kaya’t nag-viral ang kanyang pagwawala.

Sa pahayag ni Guanzon habang nasa tanggapan ng Makati City Police Station, humihingi na aniya ng paumanhin sa kanya ang asawa ni alyas Chiong subalit pinandilatan pa siya ng mata ng lalaki sa halip na humingi ng dispensa.

Idinugtong ni Guanzon na isang beses lang siyang umubo dahil makati ang kanyang lalamunan pero sinabihan agad siya ng dayuhan na lumabas na sa loob ng mall.

“Am…siya nga ang hindi taga-Makati ako pa palalayasin niya. I told him if you are sick or afraid to get sick you should not be in mall. You have no right to tell me to leave. Kung makautos parang amo ko siya. Matapobreng hindi naman mayaman,” nakasaad sa bahagi ng pahayag ni Guanzon sa social media.

Ayon pa sa dating opisyal, itinakas umano ng abogado ang dayuhan habang binabasahan ng Miranda rights ng police investigator kaya’t wala sa presinto ang dayuhan.