Khonghun

Pahayag ni Harry Roque pinagtawanan ng miyembro ng Young Guns

Mar Rodriguez May 10, 2024
111 Views

PINAGTAWANAN lamang ng isa sa miyembro ng “Young Guns” na si House Assistant Majority Leader at Zambales 1st Dist. Cong. Jefferson “Jay” F. Khonghun ang pahayag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na si Vice-President Inday sara Duterte ang totoong Presidente ng bansa.

Binigyang diin ni Khonghun na dahil sa naging pahayag ni Roque sa ginanap na “prayer-slash-peace rally” sa lalawigan ng Dumagute, istulang nananaginip o nagde-daydream ang dating Presidential Spokesperson para paniwalaan nito ang kaniyang sariling paniniwala.

“Tingin ko si Secretary Roque, he must be dreaming ano. Parang binabangungot yata si Secretary Roque,” wika ni Khonghun.

Binigyang diin ng kongresista na hindi aniya sinusuportahan ng mamamayang Pilipino ang nais mangyari nina Roque kasunod ng kaniyang babala patungkol sa “destabilization plot” laban sa administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ikinakasa ng mga anti-administration personalities.

Sinabi naman ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy na hindi matatawag na “peace o prayer rally” ang mga inilulunsad na pagkilos ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Kundi isang pagtatangka na sirain ang imahe ni President Bongbong R. Marcos, Jr.

Ipinaliwanag ni Dy na bilang kasapi ng gobyerno labis nitong ikinalulungkot ang patuloy na pandudurog na ginagawa ng kampo ng dating Pangulo laban sa administrasyon ni Pangulong Marcos, Jr. sa pamamagitan ng diumano’y peace o prayer rally na ang layunin puro paninira.

Binigyang diin ng mambabatas na halatang-halata na ikinukubli lamang nina Duterte sa pamamagitan ng “peace o prayer rally” ang kanilang mga pagkilos. Subalit nagdudumilat naman ang katotohanan na pawang paninira at pangdudurog lamang sa Pangulong Marcos, Jr. ang totoong layunin nito.