Madrona

Pahayag ni PBBM na walang kakayahan PH na palayasin monster ship ng China sinang-ayunan

Mar Rodriguez Feb 10, 2025
19 Views

SINANG-AYUNAN ng Vice-Chairman ng House Committee on Transportation na si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang pahayag ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na walang kakayahan ang Pilipinas para palayasin ang “monster ship” ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Muling sinabi ni Madrona, Chairman din ng House Committee on Tourism, na kulang pa sa military hardware ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kaya hindi nito kakakayaning makipagsabayan o makipagtagisan sa modernong kagamitan ng China.

Ayon kay Madrona, maging ang Pangulo ay aminado na walang kakahayahan ang Pilipinas para makipagsabayan sa puwersa ng China matapos nitong ipahayag na: “Well, we don’t have the means na paalisin. Hindi naman – mabuti kung mayroon tayong aircraft carrier na may kasamang destroyer, frigate at saka submarine”.

Binigyang diin ng kongresista na masakit man aminin subalit kung sa palakihan at paramihan ng barko. Napakalayo ng Pilipinas sa China. Subalit sa kabila nito ay nananatili ang paninindigan ng bansa na ipagtanggol at dipensahan ang mga teritoryo nito.

Ikinagalak din ni Madrona na sa gitna ng kakulangan ng kagamitang pang-militar ng Pilipinas. Tuloy parin ang misyon ng Philippine Coast Guard Guard (PCG) na dipensahan ang teritoryo ng Pilipinas sa WPS at hindi nagpapatinag sa pambu-bully ng China.

Samantala, nagtungo sa tanggapan ni Madrona sa Kamara de Representantes ang mga miyembro ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers Incorporated (FILSCAP) sa pangunguna ni Edwin A. Negapatan – ang singer at composer ng Battle of Sibuyan Sea Hymn – kasama ang may-bahay nito na si Antonietta Negapatan.