Valeriano

Pakikipag-kaibigan ng PH sa China nabalewala dahil sa panibagong harassment sa mga Pilipino sa WPS – – Valeriano

Mar Rodriguez Dec 12, 2023
169 Views

NABALEWALA LAMANG at mistulang nawalan ng katuturan ang pakikipag-kaibigan ng Pilipinas sa bansang China.

Ito ang pananaw ng Chairperson ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano patungkol sa panibagong harassment na ginawa ng Chinese military sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea (WPS) laban sa mga Pilipino.

Nauna rito, hinarang at binomba ng water cannon ng mga Chinese Militia sa pamamagitan ng Chinese Coast Guard (CCG) ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magsasagawa ng re-supply mission sa mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal.

Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano na kahabag-habag aniya ang mga Pilipino sa ginagawang harassment ng Chinese military sa WPS. Kung saan, ipinapakita umano ng insidenteng ito na mistulang nabalewala lamang ang pagpapakumbaba at pakikipag-kaibigan ng Pilipinas sa bansang China.

Ipinaliwanag ni Valeriano na napakasakit makita na parati na lamang sinisindak at ginigipit ang mga Pilipino sa WPS na teritoryo pa man din ng Pilipinas. Kaya pinayuhan ng mambabatas ang mga Pilipinong mangingisda na maging matatag at huwag panghinaan ng loob sa kapangahasan ng China.

“Kawawa ang bansang Pilipinas. Ang pagpapakumbaba natin ay pakikipag-kaibigan at nabalewala lamang. Masakit makita na parating ganito ang sinasapit ng ating mga kababayan sa dakong ito ng ating karagatan na teritoryo pa man din ng Pilipinas. Huwag nawa silang panghinaan ng loob,” sabi ni Valeriano.

Kasabay nito, mariing kinondina din ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang panibagong pangha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG) sa tatlong bangka ng BFAR sa WPS.

Ikinadismaya din ni Speaker Romualdez ang ginawang pagtutol ng China sa House Resolution na pinagtibay ng Kamara de Representantes patungkol sa pagtuligsa ng Pilipinas sa illegal na aksiyon ng China sa WPS.