Vic Reyes

Palabas ng duwag

Vic Reyes Nov 3, 2024
50 Views

ISANG magandang araw sa lahat ng ating kabayan at kaibigan dyan sa Japan.

Pagbati rin ang parating natin kila: Ate Tere Yasuki, Mama Aki, Tita Cindy, Winger dela Cruz, Glenn Raganas, Lovely Ishii at Hiroshi Katsumata.

****

Huwag tayong magpaloko – ang pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Oktubre 28, 2024 ay hindi isang pagpapakita ng tapang.

Isa itong tahasang palabas ng duwag.

Sa halip na humarap sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Quad Committee – na, by the way, ay may siyam na pagdinig na – inorchestrate ni Duterte at ng kanyang grupo ang isang bagong pagdinig sa Senado.

At hindi lang basta pagdinig – kundi isa kung saan nandiyan ang kanyang mga kapanalig na sina Senators Bato dela Rosa at Bong Go, at isang dagsa ng mga tagahanga na nagpuno sa kanan ng session hall, na para bang hawak-kamay nila si Duterte sa bawat hakbang.

Sinumang naniniwala na ang pagharap ni Duterte ay para sa katotohanan at transparency ay malinaw na nalilinlang. Yan lang ang tanging paliwanag.

Napakalinaw – ang pagdinig sa Senado na ito ay ginawa lamang bilang entablado para kay Duterte na ipagtanggol ang kanyang anti-drug policies at kontrolin ang naratibo.

Ang kabuuan nito? Isang malaking komedya!

Parang nanonood ng nakaka-cringe na teleserye, kumpleto sa sumbatan, pagmumura, at walang kwentang biro tungkol sa kababaihan, habang ang tunay na isyu – ang libu libong kaso ng extrajudicial killings – ay nilubog sa gulo.

Maski si Senador Robin Padilla ay sumaklolo pa kay Duterte sa pamamagitan ng walang kinalamang pahayag na tandaan din daw ang mga biktima ng mga drug dealer.

Pero paano naman ang mga kilalang kasamahan ni Duterte na may koneksyon sa drug smuggling, tulad nina Michael Yang, Mans Carpio, at ang sariling anak na si Pulong Duterte? Ang kanyang pahayag ay nagpakita lamang ng kanyang kamangmangan.

Kung tutuusin, mas bagay pa siyang maging artista sa pelikula kaysa sa Senado kung saan mas malaki sana ang kanyang naiambag.

Salamat na lang kay Senador Risa, dahil kung wala ang kanyang boses, baka mas mabuti pang tunay na teleserye na lang ang pinanood natin at parehas lang din ang matututuhan.

Sa Pilipinas lang makikita na ang isang dating Pangulo ay umaamin sa pambansang telebisyon na siya ang may responsibilidad sa libu-libong kamatayan.

Inamin niya sa ilalim ng panunumpa na kaya niyang pumatay, magtanong ng mga ebidensya, protektahan ang “nagmamalabis” na mga opisyal ng pulis, at gagawin niya ulit ito kung may pagkakataon.

At gayon pa man, nakaupo lang ang mga Senador, nakatawa at nagiging kasangga pa sa mga sinabi ni Duterte, na para bang hinihimok pa siyang magpatuloy.

Walang ni isang senyales ng galit, ni isang pahiwatig ng pananagutan. Hindi lang ito nakakagulat; ito’y isang nakakasuklam na paglabag sa kanilang tungkulin sa publiko.

At huwag natin kalimutan: lumikha sila ng isa pang komiteng pang-Senado para bigyan si Duterte ng komportableng entablado, samantalang may tunay na imbestigasyon na nangyayari sa Kongreso.

Para saan? Para hayaan siyang linlangin muli ang mga Pilipino gamit ang kanyang mga walang saysay na depensa? Anong klase ng pag-aaksaya ng buwis! Isipin mo, nagpapakahirap ka araw-araw, sumusuong sa mahabang biyahe, at kinukunan ka ng gobyerno mula sa iyong sweldo bilang buwis – para lang pondohan ang ganitong klaseng palabas? Nakakainsulto sa bawat Pilipinong nagbabayad ng buwis.

(Para sa intong komento at suhestiyon, mag-text sa #+63 9178624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)