DepEd

Palarong Pambansa tuloy na sa Hulyo

Arlene Rivera Feb 7, 2023
264 Views

INANUNSYO ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng 2023 Palarong Pambansa mula Hulyo 29 hanggang Agosto 5, 2023 sa Marikina City.

Ito ang unang pagkakataon na magsasagawa ng Palarong Pambansa mula ng makansela ito noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa DepEd Memorandum No. 5, s. 2023, ang Division Meets ay gagawin mula Pebrero 6 hanggang 10. Ang Regional Meet naman ay mula Abril 24 hanggang 28.

Nagdagdag naman ang DepEd ng Pre-National Qualifying Meet upang mas kumonti ang lalahok sa national competition. Saklaw nito ang mga isport na baseball, basketball, football, futsal, sepak takraw, football, at volleyball.

Ang mga delegasyon ng ibang ibang rehiyon ay hahatiin sa apat na cluster.

Ang Cluster 1 ay bubuohin ng Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Cordillera Administrative Region (CAR); Ang Cluster 2 ay ang CALABARZON, MIMAROPA, NCR, at Bicol Region; Ang Cluster 3 ay ang Western, Central, at Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula Region; at ang Cluster 4 ay ang Northern Mindanao, Davao, SOCCKSARGEN, CARAGA, at BARMM.

Kukuha ng dalawang regional delegation kada cluster na siyang lalahok sa Palarong Pambansa event.

Layunin ng pagbabago na hindi maabala ang klase at maobserbahan ang pagsunod sa minimum public health and safety protocol.

Ang mga measurable sports gaya ng athletics, swimming, at archery ay magkakaroon ng qualifying distance, time, at points na itatakda ng Palarong Pambansa committee.

Ang iba pang sports na walang qualifying standard ay dederetso sa Palarong Pambansa event.