Karlo Nograles

Palasyo muling nanawagan sa publiko na magpa-booster shot

200 Views

MULING nanawagan ang Malacañang sa publiko na magpa-booster shot upang magkaroon ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.

“Iniisip siguro ng karamihan: Bakit kailangan nito? Bumababa naman na ang kaso ng COVID-19 sa bansa,” sabi ni Cabinet Secretary at acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles. “Kailangan pa rin natin ng dagdag na proteksyon; ika nga, it is better to be safe than sorry.”

Batay sa datos ng Department of Health (DOH) hanggang noong Pebrero 20 ay 33.5 milyong indibidwal na ang kuwalipikadong magpa-booster shot pero ang nakakapagpa-booster shot pa lamang ay 9.7 milyon o 28.95%.

“Ang mga bakunang ibinibigay ng pamahalaan ay garantisadong dekalidad, ligtas at epektibo. Ito ay ating panlaban, hindi kalaban. Pang-sagip ng buhay, pambangon ng kabuhayan. Magpabakuna at magpabooster shots na po tayo,” sabi ni Nograles.

Hanggang Pebrero 21, umaabot na sa 134,332,014 dose ng COVID-19 vaccine ang naibakuna na sa bansa.

Nasa 62.6 milyong indibidwal na ang nakakompleto ng bakuna, ayon sa National COVID-19 Vaccination Dashboard.