Palay

Palay sa isinako ng mga magsasaka tatanggapin na ng NFA

Cory Martinez Oct 15, 2024
125 Views

TATANGGAPIN na ng National Food Authority (NFA) ang mga palay na sinako ng mga magsasaka upang makatipid sa gastusin sa pagbili ng bagong sako.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, nasa pilot testing pa lang ang pagtanggap ng mga sako mula sa mga magsasaka subalit kung magiging matagumpay, ipapatupad na ito nang tuluyan sa 2025.

Sinabi pa ni Lacson na tatanggapin ng ahensya ang mga palay na sinako sa bago at maayos na second hand na sako.

Anya, inaasahang makakatipid ang ahensya ng milyong piso sa ganitong paraaan.

Gagamitin ng ahensya ang matitipid dito sa pagbili pa ng maraming palay para sa buffer stocking at tataas ang kita ng mga magsasaka.

Sa pilot testing para sa kasalukuyang main crop, bibilhin ng ahensya ang may 20 porsyento ng target na 6.4 milyon na tig-50 kilo ng bag na gamit ang sako ng mga magsasaka.

Kapag ipapatupad na nang tuluyan sa susunod na taon ang hakbang, aabot sa 90 porsyento ng palay ang bibilhin ng ahensya na kung saan papayagan ang magsasaka na gumamit ng sarili nilang sako.

“At 20 percent of 6.4 million bags of procurement target during the main cropping season, NFA will save around P27.4 million in the fourth quarter alone in terms of the cost of new sacks and warehouse handling,” ani Lacson.

“At 90 percent of procurement target of 10.9 million bags of palay next year, we could save around P215.5 million, an amount the NFA could use to buy an additional 7,700 metric tons of palay at an average price of P28 a kilo,” dagdag pa ni Lacson.