Palengke

Palengke sa MM ininspeksyon ng DA, DTI

Cory Martinez Jan 13, 2025
13 Views

NAG-inspect sa unang pagkakataon ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) sa mga palengke sa Metro Manila upang mamonitor ang mga supply at presyo ng mga produktong pang-agrikultura matapos ang holiday season.

Magkasamang nag-inspeksyon sina DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at DTI Secretary Ma. Cristina A. Roque sa Murphy Public Market at SM Hypermarket sa Cubao nitong nakaraang Biyernes upang matiyak ang availability at affordability ng mga pangunahing bilihin.

Kabilang sa mga ininspeksiyon sa Murphy Public Market ang Kadiwa ng Pangulo (KNP) Rice-for-All (RFA) kiosk na nagbebenta ng bigas sa halagang P36 at P40 kada kilo.

Tiniyak ni Tiu Laurel sa publiko na magandang kalidad ang mga bigas na mabibili sa mga kiosks.

Ipinaliwanag ni Tiu Laurel na ang P36 per kilo ng “Sulit rice” 100% broken subalit pinananatili nito ang magandang lasa at texture.

“Hindi natin gustong pababain nang pababain masyado ang presyo ng bigas sa average price dahil at the end of the day, ang importante kumita ang ating farmers.

Pag sila hindi na kumita, hindi na sila magtanim, mas malaking problema yan,” ani Tiu Laurel.

Binigyang pansin nito ang kahalagahan ng pagbalanse ng benepisyo pareho sa magsasaka at konsyumer. “Affordable, fair price to all. Iyon ang habol natin,” diin pa ni Tiu Laurel.

Bukod sa “sulit rice,” ang iba pang klase ng bigas sa ilalim ng
KNP ang RFA 5 o 5% broken rice na ibinebenta ng P45 per kilo RFA 25 o 25% broken rice sa halagang P40/kg at ang P29/kg rice mula sa National Food Authority (NFA) stock.

Upang madagdagan ang suplay ng murang bigas, plano ng DA na makipag-kolaborasyon sa mga alkalde sa Metro Manila at palawigin ang kanilang partnership sa 180 na merkado sa susunod na buwan.

Ininspeksyon din ng team ang mga “Timbangan ng Bayan,” na nasa pampublikong palengke, ang section para sa rice retail, meat, poultry, fish, vegetables at spices, at ang mga pag-comply sa tamang labelling at pricing sa mga produktong agrikultura.

Sa pamamagitan ng regular marketing monitoring, nangako ang DA at DTI na titiyakin ang availability ng abot-kayang pangunahing bilihin para sa lahat ng konsyumer.