Brownout

Paliwanag sa paulit-ulit na brownout hiningi

20 Views

HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy, National Grid Corporation of the Philippines at Energy Regulatory Commission na ipaliwanag at tugunan ang paulit-ulit na brownout, habang nanawagan si Senate President Alan Peter Cayetano sa energy sector na tingnan ang krisis sa kuryente bilang problemang tumatama sa tunay na buhay ng mga pamilya at hindi lamang bilang datos.

Sinabi ni Gatchalian na ang mga brownout ay nakaaapekto sa mga komunidad, negosyo, paaralan at kabahayan, at naglalagay din sa panganib sa mga pasyenteng umaasa sa medical equipment na pinapagana ng kuryente.

“Nagpapatupad na nga ng four-day work week ang maraming sangay ng gobyerno dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan, pero nagba-brownout pa rin sa iba’t ibang panig ng bansa. Hindi ito katanggap-tanggap,” ani Gatchalian.

Ayon sa senador, nagdeklara ang NGCP ng red at yellow alerts sa Luzon at Visayas grids nitong mga nakaraang araw dahil sa sabay-sabay na forced outages ng ilang planta ng kuryente.

“If recurring plant outages are driving the problem, generation companies must be made to answer. The ERC should enforce compliance with performance standards and take action against erring plants,” sabi ni Gatchalian.

Muli rin siyang nanawagan sa NGCP na pagbutihin ang grid management sa pamamagitan ng pagtiyak ng sapat na ancillary services, lalo na sa panahon ng mataas na demand sa kuryente.

“Every hour of a brownout brings business operations to a standstill, disrupts the education of our youth, and paralyzes the daily lives of our communities, most critically, it puts at risk patients whose survival depends on electricity-powered medical equipment,” dagdag niya.

“Hindi pwedeng paulit-ulit na lang ang ganitong sitwasyon. Kailangan ng malinaw na paliwanag, agarang aksyon, at pananagutan mula sa mga awtoridad,” ani Gatchalian.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means na pinamunuan kamakailan ni Senadora Pia Cayetano, sinabi ni Cayetano na kailangang kumilos nang mas mabilis ang energy sector at maghanap ng mga solusyong maaaring hindi pa nasusubukan.

“I really hope that it’s not the statistics… Numbers remain to be a statistic until you have a human face. Kaya noong may hindi nakapag-nebulize dahil walang kuryente at namatay, I hope we put a human face to our problem sa energy,” sabi ni Cayetano.

Ayon sa Senate President, dapat maging dahilan ang krisis upang mas pabilisin ng pamahalaan at pribadong sektor ang kanilang tugon.

“I just like to encourage the room to really — I know gasgas na y’ung ‘Think out of the box.’ Pero kapag may crisis, pati y’ung box mawawala ‘pag hindi tayo kumilos ng doble, triple,” aniya.

Nauna nang inihain ni Cayetano ang Senate Resolution No. 343 na nananawagan sa Executive Branch na bumuo ng National Contingency Framework, kasabay ng pagsasabing ang problema sa enerhiya ay bahagi ng mas malawak na pangmatagalang suliranin sa sistema na nakikita rin sa edukasyon at agrikultura.

Tinalakay sa pagdinig ng Senado ang electricity pricing, system losses, buwis at consumer protection issues sa gitna ng reklamo sa mataas na singil sa kuryente at paulit-ulit na power interruptions.