Bitrics1

Tungkulin ng bawat miyembro ng prosecution team sa Senate impeachment trial pormal ng inilatag

Mar Rodriguez May 19, 2026
19 Views

PORMAL ng inilatag ng 11-member House prosecution team (prosecution panel) ang mga partikular na tungkuling gagampanan ng bawat miyembro sa nakatakdang Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa pamamagitan ng press conference, inanunsiyo ng Chairman ng House Committee on Justice na si Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang magiging trabaho o responsibilidad ng bawat kasapi ng prosecution team.

Sinabi ni Luistro na hahatiin ng prosecution panel ang mga responsibilidad sa apat na artikulo ng impeachment.

Kasabay nito, pinangalanan din ng Lady solon sina Kabataan Party List Reps. Renee Co at House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alontong Adiong bilang spokespersons ng Kamara de Representantes sa impeachment trial.

Ayon kay Luistro, nagmula ang mga artikulo ng impeachment sa mga clarificatory hearing ng Committee on Justice sa pinakabagong hirit na i-impeach si VP Duterte pati narin sa imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability hinggil sa di-umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Ang bawat taga-usig, ayon pa kay Luistro, ay itatalaga sa hindi bababa sa dalawang artikulo upang mapaghatian ng panel ang bigat ng paghahanap ng mga ebidensiya, pagsusuri sa mga saksi at pagtatanggol sa mga paratang laban kay Duterte kung saan ang bawat artikulo ay magkakaroon ng din ng lead prosecutor at second lead prosecutor.

Binigyang diin ng Lady solon na bagama’t hindi na maaaring talakayin ng prosecution panel ang merito ng kasong impeachment dahil pormal na silang naghain ng kanilang pagharap bilang mga pampublikong tagausig.

Kumpiyansa naman si Luistro sa pagtatanggol sa apat na articles of impeachment laban kay Duterte.

“Gayunpaman, ipinapahayag na ulit namin ang aming kumpiyansa sa pagtatatag at pagpapatunay sa apat na artikulong ito ng impeachment,” ani Luistro.