Calendar
May kinokonsidera na para maging Blue Ribbon Chair
SINABI ni Senate President Alan Peter Cayetano na pinag-uusapan pa ang pagpili ng susunod na chairperson ng Blue Ribbon Committee, at kabilang aniya sa isinasaalang-alang para sa posisyon sina Senador Rodante Marcoleta at Senadora Pia Cayetano.
“We’re considering Senator Marcoleta but we’re also considering someone else. Sabihin ko na, we’re considering Senator Pia,” sabi ni Cayetano sa isang ambush interview.
Ayon kay Cayetano, maaaring hawakan ng Blue Ribbon Committee hindi lamang ang nakabinbing usapin sa flood control kundi pati ang posibleng imbestigasyon sa naging kilos ng National Bureau of Investigation kaugnay ng insidente ng putukan sa Senado noong Mayo 13.
“Dati flood control lang. Now, we have to investigate yung ginawa ng NBI. So, sa rules pa namin bibigay yan sa Blue Ribbon,” ani Cayetano.
Sinabi niya na naging mas komplikado ang pagpili dahil sa mga pangyayari noong nakaraang linggo, ngunit idinagdag niya na nagkasundo ang mga senador na walang magde-demand ng partikular na committee assignment.
“We haven’t decided na hindi siya,” sabi ni Cayetano, kaugnay ng tanong kung si Marcoleta ang mamumuno sa komite.
“Kung ang tanong, why are we considering others? Because from the start, nung nilagay nila ako, sinabi nilang lahat, walang magde-demand ng kahit anong committee, mag-usap-usap tayo,” dagdag niya.
Kinuwestiyon din ni Cayetano kung maaaring manguna sa neutral na imbestigasyon ang Department of Justice at NBI sa insidente ng putukan sa Senado, kasabay ng pagsasabing dapat ding masuri sa inquiry ang naging kilos ng mga ahensiya at iba pang sangkot sa pangyayari.
“Gusto ni Sec. Vida mag-imbestiga ang NBI [at] DOJ pero sila ang dapat imbestigahan eh,” sabi ni Cayetano, na tumutukoy kay Justice Secretary Fredderick A. Vida.
“Kaya ang message ko sa kanya, hindi ka pwedeng bida kung kontra-bida ka. So kung gusto mo mag-imbestiga, kailangan neutral ka,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, isinumite ng Senado ang CCTV footage matapos itong hingin ni Interior Secretary Jonvic Remulla, at makikipagtulungan ang kapulungan kung patas ang proseso.
“Ano kailangan mo sir? Kailangan ko CCTV, sinubmit namin. So basta patas payag kami, pero huwag naman yung gagawa ng storya, tapos kami pa ang kontrabida sa huli,” ani Cayetano.
Kinontra rin ng Senate President ang mungkahi na simpleng kakulangan lamang sa komunikasyon sa pagitan ng Government Service Insurance System at Senado ang dahilan ng insidente.
Sinabi ni Cayetano na dapat pang suriin kung kakulangan lamang sa koordinasyon o may ibang dahilan sa naging kilos ng GSIS at NBI kaugnay ng insidente sa Senado.
“Hindi kulang. Sinadya nila,” sabi ni Cayetano.
“At this point in time, the burden is on them to prove to us that it’s a series of coincidences,” dagdag niya.
Binanggit din ni Cayetano si dating senador Gregorio “Gringo” Honasan sa pagdepensa sa konteksto ng warning shot na pinaputok sa gitna ng insidente.
“If you are where you’re not supposed to be at armado ka, what do you expect will happen?” sabi ni Cayetano, na sinipi si Honasan.
Sinabi ni Cayetano na nasa alerto na ang Senado noon dahil sa mga ulat tungkol sa armadong tauhan at magkakasalungat na impormasyon sa presensya ng mga NBI agents sa loob ng Senate premises.
Sinabi rin ng Senate President na hindi dapat mailayo ng kontrobersiya ang Senado sa mga usaping pang-ekonomiya, kabilang ang agrikultura, smuggling at iba pang problemang nakaaapekto sa ordinaryong Pilipino.
“Kung panay ganyan yung issues, kawawa ekonomiya natin. Kawawa si Juan de la Cruz,” ani Cayetano.
Naganap ang insidente noong Mayo 13 sa gitna ng tensyon kaugnay ng napaulat na posibleng pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa at ilang araw bago pormal na nagtipon ang Senado bilang impeachment court para sa proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
