Calendar
Pamamahagi ng ayuda nagkaproblema dahil bilang TNVS drivers sumobra
NAGBABALA si Transportation Secretary Banoy Lopez laban sa mga Transport Network Companies (TNCs) at ilang kasalukuyan at dating opisyal ng DOTr at LTFRB kaugnay ng labis na bilang ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers na lumampas sa itinakdang cap ng ahensya.
“Dapat may pananagutan talaga ang TNCs dito. At hindi lang ‘ho yun, may pananagutan din dapat ang LTFRB o DOTr, whether present or former officials, kasi hinayaan itong mangyari,” ani Lopez sa Senate Committee hearing ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT).
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nalito at nahirapan ang ahensya sa pamamahagi ng ayuda dahil sa dami ng TNVS drivers na dumagsa sa payout centers.
Aniya, mula sa inisyal na 20,000–30,000 na listahan ng TNCs, umabot na sa 185,000 TNVS four-wheel drivers at 293,000 MC taxi drivers ang na-proseso. “Talagang karga lang sila nang karga at ‘yun ang nagiging problema,” dagdag ni Gatchalian.
Gayunman, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpatuloy ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga TNVS drivers, kabilang ang mga may “tempo” status, na apektado ng krisis sa langis sa Gitnang Silangan.
Kinilala ni Lopez na lumampas nang malaki ang bilang ng mga benepisyaryo sa itinakdang 78,000-cap para sa TNVS drivers. “Kung wala kang provisional authority, wala kang prangkisa, hindi ka dapat payagan ng mga TNCs na mag-onboarding. Pero tama po kayo, kailangan din silang bigyan ng ayuda ngayon,” paliwanag niya.
Binigyang-diin ni Senator Sherwin Gatchalian, chair ng PROTECT Committee, na kailangang malinaw ang bilang ng mga benepisyaryo upang maayos na maipaglaan ang tamang budget.
“Kung sasabihin niyo na ang listahan is a moving list, magiging problema pagdating sa budgeting. We’re not talking about millions, we’re talking billions,” aniya.
Samantala, tiniyak ng Grab Philippines na aayusin nila ang naging pagkukulang. “We take accountability for the initial list that we gave. We know that it created a lot of confusion on the ground and we apologize to our government agencies DOTr and especially DSWD,” pahayag ni Atty. Sherielysse Bonifacio, tagapagsalita ng Grab.
