Japan

Proyekto sa Expanded PH tiniyak na walang katiwalian

Jun I Legaspi Apr 29, 2026
20 Views

Japan1Japan2NAGKAMIT ng matibay na kumpiyansa mula sa grupong Japanese investors ang Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos tiyakin ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang mahigpit na pagpapatupad ng “zero corruption” policy sa lahat ng proyekto.

Sa isang confidence-building meeting nitong Lunes, humingi ng katiyakan ang Kizuna Communities, grupo ng Japanese developers, na walang magiging katiwalian sa pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng Expanded 4PH.

Tiniyak ni Secretary Aliling ang kanyang “zero tolerance for corruption” bilang bahagi ng 8-Point Agenda ng DHSUD. Pinatotohanan naman ng mga lokal na partners ng Kizuna Communities ang malinis na track record ng Kalihim.

Bilang tugon, agad na nagkomit ang Kizuna Communities na makiisa sa malawakang implementasyon ng Expanded 4PH sa bansa. Una nilang ipatutupad ang dalawang socialized housing projects.

Binigyang-diin ni Secretary Aliling ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tiwala at kumpiyansa ng mga pribadong investors, lalo na ng mga Japanese developers, upang higit pang mapalakas ang flagship housing program.

“Hangga’t nananatiling walang katiwalian ang Expanded 4PH Program, mas marami pang investors ang makikilahok. Kailangang mapanatili ang mataas na kredibilidad ng DHSUD upang maging tuloy-tuloy at matagumpay ang Expanded 4PH,” ani Secretary Aliling.

Dagdag pa niya:

“Ang patuloy na pagpasok ng mga respetadong kompanya, at mga foreign investors kagaya ng Kizuna Communities ay patunay sa tumataas na kredibilidad ng DHSUD at ng Expanded 4PH ng Pangulong Marcos Jr.”

Kasama ni Secretary Aliling sa naturang pagpupulong si Senior Undersecretary Eduardo Robles Jr., pinuno ng Expanded 4PH, na nangakong tutulong sa Kizuna Communities sa pagpapatupad ng kanilang socialized housing projects.