Calendar
Mga ‘BFF’ ni Digong dapat masusing imbestigahan — Luistro
IGINIIT ng Chairman ng House Committee on Justice na si Batangas 2nd District Representative Jerville “Jinky Bitrics” Luistro na kinakailangang masusing imbestigahan ang mga hinihinalang kaibigan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sina Michael Yang at Sammy Uy.
Ito ang itinutulak ni Luistro matapos magtugma ang mga record sa alegasyon ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV kaugnay sa pagbibigay nito ng testimonya sa pagdinig ng Justice Committee noong nakaraang Abril 22.
Dahil dito, nananawagan ang lady solon para sa isang hiwalay at malawakang imbestigasyon patungkol sa nabuong netwok batay sa alegasyon ni Trillanes.
Napatunayan ng Committee on Justice ang mga transaksiyong sinuri mula sa mga dokumentong isinumite ni Trillanes kung saan nagtugma ang mga nasabing dokumento sa mga opisyal na record ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ang ibinigay na pahayag ni Luistro ay bahagi ng kaniyang opening statement sa pagpapatuloy ngayong araw (Abril 29) ng pagdinig ng Komite sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte makaraang balakinan nito ang malaking kaganapan sa pagdinig ng Justice Committee noong nakalipas na Abril 22.
Sinabi ni Luistro na sinuri ng Komite ang mga Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Sara kasama na ang ulat ng AMLC at ang sinumpaang salaysay ni Trillanes.
Ayon sa kaniya, ang bahagi ng mga pahayag ni Trillanes na kinasasangkutan ng mga hinihinalang pay-out at ang mga pangalang nakakabit dito ay nangangailangan ng masusing pagsisiyasat gayong malalaking pangalan ang nasasangkot.
“Dito sa milyon-milyong pay-out. May mga pangalan na nabanggit, mga pangalang hindi basta-basta makakalimutan. Names like Michael Yang and Sammy Uy,” sabi ni Luistro.
𝗧𝗼 𝗚𝗼𝗱 𝗯𝗲 𝘁𝗵𝗲 𝗚𝗹𝗼𝗿𝘆
