Calendar

Pamamaril sa S. Kudarat: 4 miyembro ng pamilya patay, 3 sugatan
APAT na miyembro ng isang pamilya ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan makaraang barilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek nitong Lunes ng hapon sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Nakilala ang mga nasawi na sina Kadir Sarat Indao, 29-anyos; Rohana Sarat Indao, 10-anyos; Basit Gampong, 63-anyos; at Mokaram Sarat, 73-anyos.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan na nakilalang sina Rohamin Ali Omar, 17-anyos; Hasim Ali Omar, 32-anyos; at Noria Basit Indao, 35-anyos.
Batay sa ulat ng Sultan Kudarat Police, naganap ang insidente dakong 1:20 ng tanghali sa Sitio Katorse, Barangay Ladia, Sultan Kudarat.
Nagpapahinga sa nasabing lugar ang mga biktima nang dumating ang mga armadong suspek na lulan ng isang kulay puting minivan at walang habas na pinagbabaril ang mga biktima.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod sa pagamutan ang mga biktima subalit apat sa mga ito ang nasawi.
Napag-alaman na ang mga biktima ay bago lamang na naninirahan sa naturang barangay mula sa ibang lugar.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon sa insidente.