Abante

Pamilya ng mga biktima ng EJK, mga dating opisyal ng DU30 admin planong imbitahan

119 Views

Sa imbestigasyon ng House panel

IKOKONSIDERA ng House Committee on Human Rights ang pag-imbita sa pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) noong ipatupad ng administrasyong Duterte ang madugong war on drugs campaign sa isasagawa nitong imbestigasyon.

Sa isang pulong balitaan sa Kamara de Representantes, sinabi ng chairperson ng komite na si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., na aanyayahan din sa pagdinig ang mga dating pulis at opisyal ng dating administrasyon na may kinalaman sa madugong kampanya.

“Ngayon, pinag-aaralan po namin kung sino ba talaga ang iimbitahan diyan. For example, like all the victims, pero hindi po lahat ng biktima,” ayon kay Abante.

“We’re going to choose especially iyong mga victim, iyong mga magulang ng victims ng mga minors, for example,” dagdag pa ng mambabatas.

Libu-libong Pilipino ang nasawi, kabilang ang 122menor de edad nang ipatupad ni dating Pangulong Duterte ang anti-illegal drug campaign nito, ayon na rin sa tala ng World Organization Against Torture (OMCT) at ng Children’s Legal Rights and Development Center (CLRDC).

Ayon pa sa grupo, ang mga batang biktima ay pinaslang bilang direct target, kapalit, at bunsod ng mistaken identity o “collateral damage.”

“We’re going to invite the former, for example like the chief of the PNP that was actually involved in this and perhaps the NCRPO Command and others in the Cabinet of the former president,” ayon pa kay Abante.

Bilang bahagi ng parliamentary courtesy, sinabi ni Abante na hindi aanyayahan sa imbestigasyon si Duterte, at Sen. Bato dela Rosa na naging PNP chief ng nakalipas na administrasyon.

“Hindi na po. I don’t even think that if we invite them that they will be able to attend. Pero iimbitahan po namin iyong talagang nanduon, for example, like Gen. [Oscar] Albayalde – very much involved iyan and perhaps we will also be able to invite the former DOJ Secretary Menardo Guevarra to shed light on all these things,” pahayag pa ng mambabatas.

Sinang-ayunan din ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, vice chairman ng human rights panel, na hindi na imbitahan si Sen. Dela Rosa bilang courtesy sa mga miyembro ng Senado.

“I think the House really gives primacy to the parliamentary courtesy principle … Sen. Bato is a sitting senator, so we maintain parliamentary courtesy,” ayon kay Adiong.