Calendar
Pamimigay ng ayuda sa Davao City pinangunahan ni PBBM
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ang pamimigay ng financial assistance at livelihood aid sa pagbisita nito sa Davao City noong Huwebes.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na gumagawa ng hakbang ang gobyerno upang mapaunlad ang ekonomiya at maparami ang mapapasukang trabaho.
“Dahan-dahanin natin at gawin natin ang lahat para maging mas matibay ang hanapbuhay, maging mas matibay ang ekonomiya, maging mas maganda at mas malinaw ang ating kinabukasan dito sa Pilipinas,” sabi ni Marcos.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga Davaoeńos na magpa-booster shot na.
“Dahil alam naman natin eh tayo’y dumadaan pa rin kahit na hindi na tayo gaanung nagkakasakit, kailangan pa rin talaga pa natin magpa-booster shot. Kaya’t nandiyan pa rin ang COVID,” dagdag pa nito.
Kasama sa ipinamahagi ng Pangulo ang tulong mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Emergency Employment Program na nagkakahalaga ng P183 milyon.
Namigay naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga food packs at P5,000 sa may 500 benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Nagkakahalaga naman ng P5.5 milyon ang ipinamigay ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) program nito na naglalayong maparami ang produksyon ng baboy sa bansa at makabangon mula sa epekto ng African Swine Fever (ASF).
Namigay din ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mga livelihood kits.