Lapid

Pampanga itatampok nang culinary capital ng Pilipinas

41 Views

DEKLARADO na bilang Culinary Capital ng Pilipinas ang probinsiya ng Pampanga.

Ang Pampanga na kilala sa masarap at makulay na lutuin ay inaasahan na magkakaroon ng titulo bilang “Culinary Capital of the Philippines” matapos aprubahan ang isang panukalang batas sa Senado na naglalayong kilalanin ang mahalagang kontribusyon nito sa lutuing Pilipino at pamana ng kultura.

Ang Senate Bill No. (SBN) 2797, na inakda ni Sen. Lito Lapid, ay naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong Lunes, Disyembre 9, 2024. Inaatasan ng panukalang batas ang Department of Tourism na isama at itampok ang Pampanga bilang culinary capital ng bansa sa lahat ng mga pambansa at panrehiyong programa sa promosyon.

Ayon kay Lapid, matagal nang kinikilala ang Pampanga dahil sa natatangi nitong pamanang pang-kulinarya, kaya’t nararapat itong ideklara bilang culinary capital.

“This bill seeks to formally recognize Pampanga’s unique contribution to the nation’s culinary landscape by declaring it as such,” ani ng Kapampangan na senador.

Kilala ang Pampanga sa mayamang tradisyon ng pagluluto na naipapasa mula henerasyon sa henerasyon. Binigyang-diin ni Lapid na ang mga Kapampangan ay nakabuo ng kakaibang lutuin na sumasalamin sa kasaysayan, kultura, at likas na pagkamalikhain ng kanilang mga mamamayan.

Aniya, maraming tanyag na pagkain mula Pampanga tulad ng sisig, bringhe, tibok-tibok, tocino, at kare-kare ang naging simbolo ng lutuing Pilipino. Ang mga pagkaing ito, na naimpluwensiyahan ng iba’t ibang kultura tulad ng Kastila, Tsino, at Malay, ay sumailalim sa mahabang proseso ng pag-unlad upang maging mga resipeng tunay na Pilipino.

“The culinary arts of Pampanga are not only significant in preserving Filipino culture but are also integral to the country’s tourism industry.

The province has become a “must include” destination in culinary tourism within the Philippines, attracting both local and international tourists who seek to experience authentic Filipino flavors,” dagdag ni Lapid.

Sinabi ni Sen. Mark Villar, tagapangulo ng Committee on Tourism at sponsor ng panukalang batas, na ang mga Kapampangan dish ay nakarating na sa mga hapag-kainan sa iba’t ibang bahagi ng mundo, na nagpakilala ng lasa ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad.

“What makes Pampanga unique is not only the delicious flavors of its cuisine, but also the centuries-old culinary traditions that have been passed down from generation to generation. Kapampangan food reflects the history, creativity, and resilience of its people. Influences from Spanish, Chinese, Malay, and indigenous traditions have melded together, creating a cuisine that is unmistakably Filipino, and proudly Kapampangan,” ani Villar sa kanyang sponsorship speech.

Nilinaw din ni Villar na ang panukalang batas ay hindi naglalayong gawing eksklusibo ang anumang culinary-related title para sa ibang probinsya, kundi itinatampok lamang ang kontribusyon ng Pampanga sa kasaysayan ng lutuing Pilipino.