Calendar
Panahon na para itulak ang public awareness ukol sa climate change, global warming -Oducado

DETERMINADO si 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado na isulong ang “public awareness” patungkol sa isyu ng climate change at global warming sa gitna ng mga nangyaring pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng bansa dulot ng pananalasa ng mga nagdaang super typhoon gaya ni bagyong Tino.
Muling ipinahayag ni Oducado ang kaniyang paninindigan laban sa laganap na pagbaha hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa iba’t-ibang lalawigan sa ating bansa. Ito ang kaniyang mensahe sa privileged speech nito sa Plenaryo ng Kamara de Representantes.
Ayon kay Oducado, ang kaniyang laban sa mga pagbaha ay hindi lamang niya laban kundi kasama rin ang mamamayang Pilipino sapagkat ang mga pagbaha ay naka-ugnay sa problema ng climate change.
Sinabi pa ng kongresista na ang mga nangyayaring pagbaha ay hindi lamang problema ng mga Pilipino. Bagkos, ito ay problema din ng buong mundo dahil mayroon din aniyang mga pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng bansa o isang pandaidigang problema.
“We must acknowledge that our fight against flooding is intertwined with the global fight against climate change. We must do our part to reduce carbon footprint and advocate sustainable future not just for ourselves but for the generations to come,” sabi ni Oducado sa kaniyang talumpati.
Pagbibigag diin pa ni Oducado na ang adbokasiyang isinusulong ng 1-TAHANAN Party List ay hindi lamang simpleng pagpapagawa ng tahanan para sa mga mahihirap at kapos-palad. Kundi ang pagtitiyak na ang itatayong tahanan ay ligtas sa mga pagbaha.
“Alam kong sasang-ayon ang aking mga kapwa mambabatas na kailangan natin pakinggan ang taongbayan dahil ang kanilang tahanan ay hindi lamang isang sanctuaries kundi isang tahanan na ligtas sa mga pagbaha,” sabi pa ng mambabatas.

