Romero1

Panalo ng GILAS Pilipinas vs China nagsilbing inspirasyon ni Romero

Mar Rodriguez Sep 6, 2023
233 Views

Para ipursigI pagsusulong sa pagtatatag ng Department of Sports 

NAGSILBING inspirasyon ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang nasungkit na panalo ng GILAS Pilipinas sa kasalukuyang 2023 FIBA World Cup para ipursige nito ang pagsusulong sa House Bill No. 335 para sa pagtatatag ng Department of Sports.

Dahil sa natamong panalo ng tropa ng GILAS Pilipinas laban sa koponan ng China, lalong naudyok si Romero upang mas magpursige sa pagsusulong ng panukalang batas na naglalayong maitatag ang nasabing ahensiya na mangangalaga sa kapakanan ng mga Pilipinong atleta.

Tiniyak ni Romero na mas lalo pa nitong paiigtingin ang kaniyang suporta para sa mga Pilipinong atleta na nagbibigay ng karangalan sa Pilipinas sa buong mundo sa pamamagitan ng mga pinagwagian nilang international competition.

Binigyang diin ni Romero na hindi matatawaran ang husay at dedikasyong ipinakita ng mga Pilipinong manlalaro na nagdadala at nagbibigay inspirasyon sa buong bans ana katulad ng Olympic Gold Medalist na si Hidilyn Diaz sa larangan ng Weightlifting, Carlos Yulo, Alex Eala at EJ Obiena sa larangan ng gymnastics.

Dahil dito, naniniwala ang kongresista na mas lalong uunlas ang Philippine sports sakaling tuluyan ng maisa-batas ang pagtatatag sa Department of Sports sapagkat inaasahang magkakaroon ng malaking improvement sa sistema ng sports sa bansa partikular na ang paglalaan ng pondo para dito.

Nauna ng sinabi ni Romero na napapanahon na upang maisa-ayos ang sistema ng Philippine sports para maging “competitive” ang mga Pilipinong atleta sa mga lalahukan nitong international competition sa darating na hinaharap partikular na sa larangan ng basketball at iba pang sports events.

Binigyang diin nito na ang nangyari sa tropa ng GILAS Pilipinas ay isang maliwanag na “eye opener” upang tuluyan ng mabago ang makalumang sistema sa pagpapatakbo ng Philippine sports sa pamamagitan ng pagsasailalim sa mga Pinoy atleta sa isang puspusan at dibdibang pagsasanay o training.