Pananatili na PH globally competitive sinigurado

Jun I Legaspi Feb 26, 2025
13 Views

NAGSANIB-puwersa ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Department of Tourism (DOT) upang mapahusay ang ang antas ng serbisyo sa sektor ng aviation at turismo sa pamamagitan ng Filipino Brand of Service Excellence Training Workshop sa Caraga Region.

Nagpulong sina CAAP Area Center 12 Manager Junelito Abrazado at DOT Caraga Regional Director Ivonnie Dumagdag noong Martes, Pebrero 25, 2025, upang talakayin ang taunang pagsasanay na naglalayong pagandahin ang kabuuang karanasan ng mga lokal at dayuhang turista habang pinagtitibay ang tatak ng Pilipinong pagkamapagpatuloy na nagtatangi sa bansa.

Ipinapakita ng kolaborasyong ito ang matibay na pangako ng parehong ahensya na maghatid ng world-class na serbisyo at tiyakin ang isang maayos at mainit na pagtanggap sa mga biyahero.

Nagpahayag ng pasasalamat si CAAP Director General Captain Manuel Antonio Tamayo sa pakikipagtulungan ng DOT, at binigyang-diin ang kahalagahan ng kooperasyon sa pagpapataas ng antas ng serbisyo.

“Nagpapasalamat kami sa Department of Tourism para sa inisyatibang ito na nagbibigay-daan sa amin upang maihatid ang pinakamataas na antas ng serbisyo at matiyak na nananatiling globally competitive ang Pilipinas,” ani Tamayo.

Patuloy na magtutulungan ang CAAP at DOT upang mapanatili at mapalawak ang mga programa sa pagsasanay, bilang pagkilala sa Pilipinas bilang isa sa mga pangunahing destinasyon sa mundo na kilala sa pambihirang serbisyo at natatanging pagkamapagpatuloy.