CBCP

Panawagan ng CBCP, mga pari suportado ni Rep. Acidre

Mar Rodriguez May 12, 2026
21 Views

NAGPAHAYAG ng suporta si Tingog Party List Rep. Jude Acidre sa panawagan ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) at mga pari sa Senado na ituloy ang paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.

Nagbigay ng magkahiwalay na pahayag ang CBCP at Clergy for Good Governance (CCG) na humihimok sa Senado na ituloy ang impeachment trial at iwasan ang anumang hakbang para mapahina ang pananagutan nito sa bayan.

Binigyang diin ni Acidre na ang dalawang pahayag ay iisang mensahe matapos i-impeach ng Kamara de Representantes si Duterte sa ikalawang pagkakataon.

Iniutos na ng House leadership ang pagpapadala ng Articles of Impeachment sa Senado para sa pormal na pagsisimula ng Senate Impeachment Trial.

Iginigiit pa ng Party List solon na dapat magpatuloy ang prosesong Konstitusyon at kailangang dinggin ang mga ebidensiya.

“Tama ang CBCP at ang Clergy for Good Governance sa pagpapaalala sa Senado na hindi na ito tungkol sa pulitika o personalidad kundi sa tungkuling Konstitusyonal at pananagutan,” sabi ni Acidre.

Ayon sa kanya, natapos na ng Kamara ang papel at tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon kaya’t nasa Senado na ang kaso.