DMW

Panawagan ng DMW: Hustisya para sa naapektuhan ng trahedya sa Vancouver

Jun I Legaspi Apr 28, 2025
12 Views

NAGPAABOT ng pakikiramay ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga biktima ng karumaldumal na insidente sa Lapu-Lapu Day Block Party na ginanap sa Vancouver, British Columbia, Canada nitong Abril 26, 2025.

Habang hinihintay pa ang kumpletong detalye ng insidente, nanawagan ang DMW para sa sama-samang panalangin para sa kagalingan, kaligtasan, kapanatagan, pagkakaisa, at katarungan para sa mga naapektuhan ng trahedya.

Ayon sa DMW, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., handa ang ahensya na magbigay ng lahat ng kinakailangang tulong at suporta sa mga biktima, bilang bahagi ng kanilang patuloy na adbokasiya na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Tiniyak ng DMW na ang kanilang Migrant Workers Office (MWO) sa Vancouver ay nakikipag-ugnayan na ngayon sa Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng Philippine Consulate General sa Vancouver, pati na rin sa mga awtoridad ng Canada, upang bantayan ang kalagayan ng mga biktima at ng kanilang mga pamilya.

Nagbigay rin ang DMW ng mga contact number para sa agarang tulong at suporta:

• Assistance-to-Nationals Hotline: +1 604 653 5858
• Migrant Workers’ Office Hotline: +1 604 767 3354
• Vancouver Police Department Victim Support: +1 800 563 0808
• Para sa mga pamilya ng OFWs sa Vancouver at Western Canada: DMW-OWWA Hotline 1348

“Ang aming taimtim na dasal at pag-aalala ay kasama ng ating Filipino community sa Vancouver. Kaisa kami nila at ng buong Canada sa panahon ng pagdadalamhati na ito,” pahayag ng DMW.