Bullying Source: Deped file photo

Pang-aapi, pambu-bully sa paaralan di normal, dapat wakasan

19 Views

SA pagdiriwang ng National Safe Kids Week, muling umapela si Senador Sherwin Gatchalian para sa mas matibay at sistematikong aksyon laban sa pambu-bully sa mga paaralan.

Aniya, hindi na dapat ituring na normal ang pambu-bully sa mga institusyong pang-edukasyon.

“I join the country in celebrating the National Safe Kids Week. As we mark this occasion, I reiterate my call for a stronger and more coherent action against bullying in our schools. Hindi na dapat maging bahagi ng karanasan sa paaralan ang pambu-bully at pang-aapi,” dagdag ni Gatchalian.

Ipinunto ng senador ang pangangailangan para sa mas malawakang mga hakbang tulad ng mas aktibong partisipasyon ng mga magulang, muling pagbibigay-diin sa Good Manners and Right Conduct (GMRC), paglalagay ng dagdag na CCTV cameras, mas maraming guidance counselors, at karagdagang school security personnel.

“Let’s create schools where children can learn without fear,” dagdag pa niya.

Ang panawagang ito ay kasunod ng lumalalang isyu ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang isang insidente sa Bagong Silangan High School kung saan kumalat sa social media ang video ng pambu-bully.

Dahil dito, hiniling ng senador ang isang imbestigasyon ng Senado sa pagpapatupad ng child protection measures sa mga paaralan.

Sa ilalim ng Anti-Bullying Law of 2013, inatasan ang mga paaralan na bumuo ng Child Protection Committees.

Gayunpaman, tinukoy ni Gatchalian na halos 2% lamang ng mga pampublikong paaralan ang nakasunod dito nang buo.

Sa mga naunang pagdinig sa Senado, iginiit ng senador sa Department of Education na ipatupad nang ganap ang GMRC Law sa lahat ng antas pagsapit ng School Year 2025–2026. Sa kasalukuyan, limitado lamang ang nasasaklaw ng kurikulum.

Hinimok din ni Gatchalian ang mas malinaw na sistema ng pagrereport ng insidente at pananagutan ng mga school administrators sa mga kasong may kinalaman sa bullying.

Sa panig ng Department of Education, nangako ang kagawaran na bibigyang-prayoridad ang pagtatatag ng Child Protection Committees at ang pagpapalawak ng values education.

Sa ngayon, kasalukuyang nire-repaso ang mga panukalang pagbabago sa implementing rules and regulations ng Anti-Bullying Act upang mapalakas ang pagpapatupad at pagsasanay sa mga paaralan.

Bilang karagdagang batayan, binanggit ni Gatchalian ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na nagsasabing isa sa bawat tatlong mag-aaral na Pilipino ang nakararanas ng bullying linggo-linggo—isa sa pinakamataas na bilang sa mga bansang kasapi ng OECD.

Binigyang-diin niya ang koneksyon ng kaligtasan sa paaralan sa kalusugang pangkaisipan, at iginiit ang mas malawak na pagkalinga sa kapakanan ng mga mag-aaral sa ilalim ng pambansang adyenda sa edukasyon.