Yamsuan

Pangako ni Yamsuan: Pagtaas ng pondo para matiyak dekalidad na edukasyon sa Paranaque

28 Views

NANGAKONG isusulong ni Parañaque 2nd District Representative-elect Brian Raymund Yamsuan ang pagtaas ng pondong inilaan ng gobyerno para sa edukasyon upang mapalawak pa ang akses ng kabataan sa dekalidad na pag-aaral sa ikalawang distrito ng lungsod.

Bilang bagong halal na kinatawan ng ikalawang distrito ng Parañaque, binigyang-diin ni Yamsuan na isa sa kanyang mga pangunahing prayoridad ang edukasyon upang bigyang kapangyarihan ang kabataan at ihanda sila sa pagharap sa kanilang kinabukasan.

“Malaki ang naging epekto ng ating BAON (Bigay Ayuda at Oportunidad sa Nakababata) program sa mga kabataan sa ikalawang distrito. Ipagpapatuloy natin ito at hahanap tayo ng paraan upang mas mapalawak pa ito para makinabang ang mas maraming Parañaqueño. Magsisimula tayo sa unang araw ng aking panunungkulan,” ani Yamsuan.

“Layunin nating gawing abot-kaya at madaling ma-access ang edukasyon para mabigyan ang lahat ng pantay-pantay na pagkakataong magtagumpay sa kabila ng mga hamon sa buhay. Edukasyon, sipag, at determinasyon ang naging sandigan ko upang makaahon sa kahirapan, kaya’t alam kong kung mabibigyan lamang ng maayos na edukasyon ang bawat masipag na Parañaqueño sa second district, tiyak ang mas matatag na kinabukasan,” dagdag niya.

Ang BAON program na sinimulan ni Yamsuan noong nakaraang taon ay nagbibigay ng isang beses na P5,000 educational assistance sa bawat kwalipikadong estudyante, at P10,000 naman para sa mga Dean’s Listers o may parangal bilang With High Honors.

Hanggang Abril 2025, tinatayang 5,000 estudyante mula elementarya, high school, at kolehiyo sa ikalawang distrito ng Parañaque ang nakinabang na sa programang ito.

Bukod sa pagpapatuloy ng BAON, sinabi ni Yamsuan na nakikipagpulong na siya sa ilang mga mambabatas upang mapag-usapan kung paano madaragdagan ang pondo para sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) Parañaque City campus, upang mas maraming estudyanteng kapos sa buhay ngunit karapat-dapat ay makapag-aral sa pampublikong institusyong ito.

Itinatag ang PUP Parañaque sa pamamagitan ng inisyatibo ng dating alkalde ng lungsod na si Florencio Bernabe Jr. Nag-aalok ito ng mga kursong Bachelor of Science sa larangan ng Computer Engineering, Hospitality Management, Information Technology, at Office Administration, gayundin ng Diploma in Office Management Technology – Legal Office Management.

Ayon kay Yamsuan, ang positibong epekto ng BAON program ay isa sa mga mahalagang salik kung bakit siya sinuportahan ng mga kabataan sa distrito.

“Silang mga kabataan talaga yung nagsabing gusto nila akong manalo sa halalan. Sinasabi nila sa akin na ituloy ang mga programa ko, at ipaglalaban nila ako. Sabi nila, ‘ikaw lang yung nagbaba ng ganitong programa, ikaw lang ang pumansin sa amin,’” ani Yamsuan.

“Kung baga sa kasabihan, ‘Bigyan mo ng isda ang tao, at mapapakain mo siya sa isang araw. Turuan mo siyang mangisda, at mapapakain mo siya habambuhay.’ Doon po tayo magpo-focus — sa mga programang may pangmatagalang positibong epekto sa buhay ng mga tao,” dagdag pa niya.

Ang edukasyon ay isa sa mga pangunahing haligi ng H.O.P.E. agenda ni Yamsuan, isang plataporma ng reporma na naglalayong tiyakin na ang mga residente ng 2nd District ng Parañaque ay:

May Health care na dekalidad at abot-kaya;

May sapat na Opportunities sa trabaho at kabuhayan;

Nakakasiguro sa Peace and safety sa kanilang komunidad; at

May garantiya ng Education na abot-kaya at may kalidad.