Calendar
Pangangailangan ng reporma sa sektor ng enerhiya binigyang diin
“SA totoo lang, para tayong ginisa ng mga ito sa sariling mantika,” ani Senator Joseph Victor “JV” Ejercito habang nananawagan sa pamahalaan na bawiin ang 40% stake ng China’s State Grid Corporation sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), dahil sa mga banta sa pambansang seguridad at pangangailangang mapabuti ang pamamahala sa enerhiya.
Sa ginanap na Kapihan sa Senado press conference, binigyang-diin ni Ejercito ang pangangailangan ng malawakang reporma sa sektor ng enerhiya, kabilang ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), upang tugunan ang mataas na singil sa kuryente at ang humihinang kakayahan ng bansa na makipagkumpetensya sa pandaigdigang merkado.
“For our peace of mind, I think it has to be considered to reacquire the shares of the State Grid Corporation of China,” ani Ejercito.
Nagbabala rin siya na ang pagkakaroon ng dayuhang kontrol sa pangunahing grid ng kuryente ng bansa ay maaaring magdulot ng seryosong banta sa seguridad. “One void with one switch pwede tayong ma-paralyze. Mahirap naman yan,” dagdag niya.
Binanggit din ni Ejercito na bagaman nakatakdang bilhin ng Maharlika Investment Corporation ang 20% stake sa NGCP, mas makabubuting tuluyang makuha ng gobyerno ang kontrol sa kumpanya.
“Kung titignan natin yung business side, I think very bright yung prospects kasi, tuloy-tuloy naman ang bayad sa NGCP,” paliwanag niya.
Higit pa sa isyu ng NGCP, iginiit ni Ejercito ang pangangailangan ng agarang reporma sa sektor ng enerhiya, dahil sa mataas na singil sa kuryente at kakulangan sa imprastruktura na nagtutulak sa mga dayuhang mamumuhunan na lumipat sa ibang bansa, partikular na sa Vietnam.
“We are losing on foreign direct investments to our ASEAN neighbors because of these two issues, energy and infrastructure,” ani Ejercito.
Binanggit din niya ang mga ekonomiks na proyeksyon na nagpapakita ng mabilis na pag-usad ng Vietnam, na inaasahang malalampasan ang Pilipinas sa GDP growth pagsapit ng 2025.
“Vietnam’s GDP expanded at 7.1% last year… Vietnam’s GDP will reach a target of 8% growth… and it will break away further from the Philippines,” aniya.
Binabalaan din ng senador na kung mare-reclassify ang Vietnam mula frontier market patungong emerging market, mas uunahin ng mga global investors ang Vietnam kaysa Pilipinas, na lalo pang magpapalawak sa agwat ng dalawang bansa.
“Funds again will focus on Vietnam rather than the Philippines,” babala niya.
Nanawagan din si Ejercito ng pagsusuri sa EPIRA, na ipinasa noong 2001 upang i-privatize ang sektor ng enerhiya at pababain ang presyo ng kuryente. Gayunman, iginiit niya na hindi natupad ang layuning ito.
“EPIRA has to be amended. Magandang intention, for example, EPIRA which was hurriedly passed in 2001… But natuloy ang privatization ng NAPOCOR power plants, natuloy ang privatization ng Transco or NGCP, natuloy ang mga distribution, pero hindi natuloy yung pagbaba ng presyo ng kuryente,” paliwanag niya.
Ipinunto rin ng senador ang umano’y maling pamamahala ng NGCP sa kita nito, kung saan malaking bahagi ng kita ay ibinibigay bilang dividends imbes na gamitin upang pagandahin ang serbisyo.
“If I’m not mistaken, parang 90% ng dividends kinukuha, and only 10% is being plowed back for improvement of services,” aniya.
Nagbabala rin si Ejercito na kung hindi kikilos ang gobyerno, patuloy na maiiwan ang Pilipinas sa ASEAN pagdating sa pag-akit ng foreign investments.
“We really need to wake up and the government has to wake up and address this issue,” aniya.
Bilang pagtatapos, iginiit ng senador ang kahalagahan ng reporma sa sektor ng enerhiya, hindi lamang para sa pag-unlad ng ekonomiya kundi pati na rin sa seguridad ng bansa na pinaniniwalaan na nakataya sa puntong ito.
“Kailangan natin kumilos talaga,” giit ni Ejercito.