Rep. Marissa Magsino

Panghahalay sa bebot ng parak ikinalungkot ng ex-solon

Mar Rodriguez Jan 13, 2026
376 Views

IKINALULUNGKOT ni dating OFW Party List Rep. Marissa Magsino ang sinapit ng isang babae na hinalay ng bagitong pulis sa motel sa Maynila.

Nananawagan si Magsino sa Philippine National Police (PNP) na aksiyunan ang kaso ng babaeng biktima ng panghahalay.

“Ang kaso ng babaeng ito na hinalay sa loob ng motel ay hindi nalalayo sa mapait na sinapit ng ating mga OFWs na biktima rin ng panghahalay ng kanilang amo.

Pareho lamang silang biktima ng pang-aabuso, kaya ito ay dapat nating ipaglaban,” sabi ni Magsino.

Binigyang diin ng dating kongresista na maging OFW man o isang ordinaryong babae na nakaranas ng pang-aabuso ay pareho lamang na dapat ipaglaban lalo na sa isang lipunan na masyado umanong mababa ang pagtingin sa mga kababaihan.

Ayon pa sa kaniya, hindi siya naniniwala sa palusot o alibi ng salarin (suspek na pulis) na mayroon umano silang mutual understanding ng biktima dahil paanong magkakaroon sila ng MU gayong nang dalhin niya sa loob ng motel ang babae ay wala itong malay.

Batay sa mga ulat, dinala ng nasabing pulis ang 27-anyos na babae sa isang hotel sa Sampaloc, Manila noong Disyembre 4.