BI

Love scam ingatan, ‘wag paloko–BI sa publiko

Jun I Legaspi Jan 13, 2026
188 Views

NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa mga online “love scam” na gumagamit ng pangalan at awtoridad ng ahensya upang makapanloko ng mga biktima.

Ang babala ay kasunod ng isang walk-in inquiry na natanggap ng BI mula sa isang babae na humingi ng beripikasyon sa isang email na umano’y ipinadala ng opisyal ng immigration kaugnay ng pagdating ng parcel mula sa ibang bansa.

Nilinaw ng BI na peke ang naturang email at bahagi ito ng modus ng mga “romance scam” dahil hindi nag-iintercept ng parcel ang BI, hindi nagdadala o naglalabas ng mga package at hindi naniningil ng bayarin para sa pagpapalabas ng mga ito.

“Sinasadya ng mga scammer na gamitin ang pangalan ng Bureau of Immigration at mag-imbento ng mga prosesong tila opisyal upang magmukhang lehitimo ang kanilang panlilinlang,” ayon sa BI.

Pinayuhan ng BI ang publiko na mag-ingat sa pakikitungo sa mga nakikilala online, lalo na sa mga nagsasabing nagpadala ng package o humihingi ng pera para sa umano’y bayarin sa gobyerno.

Inendorso na ng Bureau ang insidente sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at sa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division para sa mas malalim na imbestigasyon.