Calendar

Panghihiram ng damit, binuking ng BINI
Sa nakaraang sold-out concert ng BINI sa Philippine Arena ay nagbalik-tanaw ang grupo at sinabing ikalawang beses na pala nilang mag-perform sa Ciudad de Victoria. Ang una ay kasama nila ang ibang performers para sa isang summer event.
Nakuwento rin nila ang dating panghihiram nila ng mga damit.
“Alam niyo ba na lahat ng damit namin d’yan, eh, hiram lang kay Miss Kring at sa wife ni Coach Mickey na si Miss Gee-Ann. Wala pa kaming damit, eh. Wala pa kaming stylist kaya kami lang nag ayos sa sarili namin,” sabi ng BINI.
Dagdag ni Aiah, “Even before pa, ang dami na talagang tumulong sa atin out of passion and love. And because of that, we are truly grateful for everyone, to everyone.”
Wish nila noon na sana ay maging parte sila ng isang clothing line balang araw, na nagkatotoo naman dahil napansin sila ng Penshoppe.
Kaya, hinding-hindi na manghihiram ng damit ang BINI dahil brand ambassadress na sila ng nasabing clothing apparel para sa Brighter Days Ahead campaign.
Bukod sa BINI, kabilang din sa nasabing kampanya si James Reid bilang male ambassador.
SUPPORTER NG MGA BAGUHAN
Natuwa kami sa aktor na si Alex Medina dahil sinuportahan niya ang kaibigang direktor na si Tom Nava sa unang nitong full-length movie na “PostMortem.”
May kilala kasi kaming magagaling na artista na tumatanggi ‘pag never heard ang direktor. Katwiran nila, busy sila, ayaw nilang lumagare o kaya naman ay may out of the country schedule sila kahit ’di binasa ang script.
Hindi lang sa baguhang direktor sumuporta si Alex kundi sa kilalang vlogger-turned-actress na si Jai Asuncion.
Si Jai ang bida sa pelikula, support lang si Alex. Ginagampanan ni Jai ang papel ng isang ina na bukas ang third eye kaya nakakakita ng mga patay. Si Alex naman, may talent na nalalaman ang back story ng mga kaluluwang ito.
Bukod kay Jai, kasama rin sa cast ang iba pang vloggers na sina Agassi Ching, Albert Nicholas at Sachzna Laparan, pati na sina Jennica Garcia, Mike Lloren at Francis Mata.
Mapapanood ang “PostMortem” sa Marso 19 mula sa Wecamp Entertainment. Reggee Bonoan