Pangilinan

Pangilinan inanunsyo AGRI-AGRA TF para bantayan ang food security sa gitna ng krisis

102 Views

INANUNSYO ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na bumuo ang mga ahensiya ng pamahalaan, mga mambabatas, at mga lokal na opisyal ng isang AGRI-AGRA task force upang maprotektahan ang food security, sektor ng agrikultura, at kabuuang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East.

Ayon kay Pangilinan, layunin ng task force na pag-ugnayin ang mga ayuda, suporta, at iba pang interbensyon para sa mga sektor na apektado ng tumataas na presyo ng langis at ng posibleng epekto nito sa presyo ng pagkain at produksyon.

Ang AGRI-AGRA Team ay binubuo ng Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, mga kinatawan mula sa Senado at Kongreso, at mga local government unit upang tugunan ang mga hamon sa agrikultura at pangisdaan at ang epekto ng mga ito sa mga mamimili.

“Nagpulong ang Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, mga kongresista, at ang Senado sa agriculture, fisheries, at agrarian reform para magkaroon ng task force na pagtutulungan natin i-monitor, bumuo ng isang ad hoc committee, crisis committee, and AGRI-AGRA Team para bantayan itong magiging tulong, suporta, ayuda, assistance, sa ating food security concerns,” ani Pangilinan matapos ang pagpupulong ng AGRI-AGRA Team.

Sinabi rin ng senador na may kasalukuyang panukala para sa isang “bayanihan-type” supplemental budget upang tugunan ang nakaambang krisis sa enerhiya at pagkain dulot ng sigalot sa Middle East.

Aniya, makatutulong ang dagdag na pondo upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, na aniya’y bumubuo ng 80 porsyento ng gastos sa produksyon sa sektor ng pangisdaan, habang tumataas din ang presyo ng abono at feeds dahil sa matinding pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Lahat yan ibig sabihin ay may direktang epekto sa pagtaas ng presyo ng pagkain. So, paano masususportahan ang ating food producers? Paano masusuportahan yung magsasaka, mangingisda, jeepney drayber, at iba pang sektor na apektado dahil nga dito? Sa pamamagitan ng dagdag na budget ay magagawa natin yan,” sabi niya.

Nagbabala rin si Pangilinan na maaaring sampahan ng kasong profiteering ang mga mapapatunayang nagsasamantala sa sitwasyon sa pamamagitan ng sobrang taas na presyo ng mga produkto.

Idinagdag niya na patuloy na minomonitor ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry ang presyo sa mga lokal na pamilihan.

Kabilang sa mga tinalakay ng task force ang kalagayan ng asukal, sibuyas, baboy, manok, itlog, pangisdaan, at bigas, gayundin ang usapin sa biofertilizers, debt moratoriums, biofuels, price monitoring, accessibility, at warehouse congestion.