Loren

Mga hakbang para pamilyang Pinoy maprotektahan sa krisis isinusulong

141 Views

SINABI ni Senadora Loren Legarda nitong Miyerkules na magkakaroon lamang ng saysay ang deklarasyon ng state of national energy emergency kung susundan ito ng mabilis at magkakaugnay na hakbang upang maprotektahan ang mga pamilyang Pilipino laban sa tumataas na presyo ng langis, mas mahal na pagkain, mas mabigat na gastusin sa transportasyon, at dumaraming pasanin ng mga magsasaka at mangingisda.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Legarda na huli na ngunit mahalagang pagkilala ang naturang deklarasyon sa matagal nang sinasabi ng mamamayan nitong mga nakaraang linggo — na nasa gitna na ang bansa ng isang krisis. Aniya, hindi na sapat ang karaniwang paraan ng pagtugon dahil isyu man ito ng suplay o presyo, ang kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ay tuwirang tumatama sa sikmura ng mamamayan.

Sinabi ni Legarda na dapat kabilang sa tugon ang agarang, pinagplanuhan, at epektibong mga hakbang, kabilang ang posibleng pagtanggal ng value-added tax sa mga pangunahing bilihin, langis, at ilang bayarin sa kuryente. Aniya, kailangang maging bukas din ang pamahalaan sa mga hakbanging hindi kumbensyonal ngunit akma sa bigat ng sitwasyon.

Sinabi rin ng senadora na seryoso niyang ikinokonsidera ang paghahain ng panibagong Bayanihan law, o katulad na panukala, na magbibigay sa pamahalaan ng mga kapangyarihang may takdang panahon upang tugunan ang kasalukuyang krisis sa enerhiya sa nagkakaisa, tiyak, at komprehensibong paraan, habang kaagapay ang Ehekutibo.

Ayon kay Legarda, magkakaroon lamang ng tunay na kabuluhan ang deklarasyon kung magiging batayan ito ng mabilis, magkakaugnay, at may malasakit na aksyon na maghahatid ng agarang ginhawa sa mga pamilyang Pilipino at gagabay sa bansa sa gitna ng krisis nang may malinaw na direksyon, matibay na paninindigan, at tiyak na layunin.