Oil

Oil firms pinagpapaliwanag kung bakit pump prices tumaas

142 Views

KINUWESTYON nitong Huwebes ng mga senador ang matinding taas-presyo sa langis na iniuugnay sa tinatawag na replacement cost, habang pinagpapaliwanag nila ang mga regulator at oil firms kung bakit tumataas ang pump prices kahit posibleng mula pa sa mas murang naunang imbentaryo ang kasalukuyang ibinebentang suplay.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT), si Senador Rodante Marcoleta ang nanguna sa pag-usisa sa paggamit ng replacement-cost pricing. Giit niya, dapat maipaliwanag ng mga oil company kung bakit biglang tumataas ang pump prices kahit posibleng nabili pa sa mas mababang halaga ang kasalukuyang suplay bago lumala ang tensyon sa Middle East. Tinanong din niya ang mga regulator kung hiwalay ba nilang nabeberipika ang batayan ng taas-presyo.

Kinuwestiyon din ni Senadora Loren Legarda kung napakabilis ipinapasa sa mga mamimili ang pagtaas ng presyo kahit hindi pa lubos na tumatama ang pinakabagong aberya sa suplay. Aniya, mawawalan ng saysay ang deklarasyon ng national energy emergency kung hindi ito hahantong sa agarang at konkretong proteksiyon para sa mga mamimili.

Nagpahayag din ng pagdududa si Senador Sherwin Gatchalian sa bilis ng pagtaas ng presyo. Aniya, hindi maaaring basta na lamang pasanin ng publiko ang dagdag-gastos habang sinusuri pa ng mga ahensiya ang tunay na panganib sa suplay at ang mga posibleng hakbang ng gobyerno. Sinabi rin niyang hindi siya kumbinsido sa replacement-cost argument at kailangang matiyak na walang pang-aabuso.

Nanawagan ang ilang senador sa Department of Energy at iba pang ahensiya na paigtingin ang pagbabantay upang matiyak na hindi pinagbabayad ang mga mamimili nang higit sa makatwiran batay sa umiiral na kondisyon ng merkado.

Bahagi ang pagdinig sa nagpapatuloy na pagsisiyasat ng Senado sa lokal na epekto ng US-Israel-Iran war crisis, habang sinusuri ng mga senador kung sapat ang bilis ng pagtugon ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga mamimili at iba pang apektadong sektor laban sa tumataas na presyo ng langis.