Calendar
Epektibong pagpapatupad ng EOPT Act hiniling
HABANG papalapit ang Abril 15 na deadline para sa pagfa-file ng taunang income tax returns, hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang Bureau of Internal Revenue na tiyakin ang ganap at epektibong pagpapatupad ng Ease of Paying Taxes Act, at sinabing dapat nang maramdaman ng mga nagbabayad ng buwis ang mga repormang layong magpagaan ng compliance, lalo na para sa MSMEs at iba pang small filers.
Ani Gatchalian, ang batas ay isinulong upang pasimplehin ang proseso ng pagbabayad ng buwis at makatulong sa pagpapalakas ng koleksyon ng kita ng pamahalaan sa pamamagitan ng mas magaan na pagsunod ng mga nagbabayad ng buwis.
“Isinulong natin ang EOPT dahil ang pagpapasimple ng proseso ng pagbabayad ng buwis ay susi sa pagpapalakas ng koleksyon ng kita ng pamahalaan,” ani Gatchalian, pangunahing may-akda ng batas at chairperson ng Senate Committee on Finance.
Layon ng Ease of Paying Taxes law na pasimplehin ang pagfa-file sa pamamagitan ng file-and-pay-anywhere system at pagbibigay-daan na maisagawa online ang karamihan ng mga transaksyon.
Nilagdaan bilang batas noong Enero 2024, inuuri nito ang mga nagbabayad ng buwis bilang micro, medium, at large batay sa gross sales upang magkaroon ng mas angkop at tumutugong sistema ng pagbubuwis para sa bawat sektor.
Inaatasan din nito ang paglipat sa invoice-based system upang mapadali ang registration at mapabilis ang pagproseso ng value-added tax refunds.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang matiyak na ang mga reporma sa ilalim ng batas ay lubos na maramdaman sa pagpapatupad, lalo na habang naghahanda ang mga nagbabayad ng buwis para sa deadline ng taunang pagfa-file.

