Calendar
Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez
Pride ng Leyte: Valedictorian ng PNPA mula sa Baybay City pinuri, kinilala ni Romualdez ang VSU

PINURI ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Martes ang isang natatanging kababayan mula sa Eastern Visayas matapos manguna si Police Cadet Van Marie Editha Gundaya Cagasan ng Baybay City, Leyte sa Philippine National Police Academy (PNPA) “Silang-Paglaom” Class of 2026.
“Ipinapaabot ko ang aking taos-pusong pagbati kay Police Cadet Van Marie Editha Gundaya Cagasan ng Baybay City, Leyte sa kanyang pagiging valedictorian ng Philippine National Police Academy ‘Silang-Paglaom’ Class of 2026,” ani Romualdez.
Ayon kay Romualdez, ang kanyang tagumpay ay isang “makasaysayang sandali para sa Leyte at sa buong Eastern Visayas,” na nagpapakita ng “kahusayan, disiplina at matibay na pagkatao” na nagbunga ng kanyang tagumpay.
Pinangunahan ni Cagasan ang isang graduating class na binubuo ng 326 na kadete, at lalo pang naging kapansin-pansin ang kanyang tagumpay matapos niyang matanggap ang Presidential Kampilan Award, ang Chief, PNP Kampilan Award, at pagkilalang Best in General Education.
“Ang manguna sa isang graduating class na may 326 kadete ay isa nang pambihirang karangalan. Mas lalo pa itong naging makabuluhan dahil tinanggap niya ang Presidential Kampilan Award, ang Chief, PNP Kampilan Award, at ang pagkilalang Best in General Education—isang tagumpay na tunay na kahanga-hanga para sa mga taga-Leyte at sa buong bansa,” ani Romualdez.
Higit pa sa mga parangal, binigyang-diin ni Romualdez ang mas malalim na kuwento sa likod ng tagumpay.
“Ang nagpapalakas sa kanyang kuwento ay hindi lamang tungkol sa mga medalya, ranggo, at seremonya. Isa itong kuwento ng talino, katatagan, at pagmamahal sa pamilya,” aniya.
“Ang pangako niya sa kanyang yumaong ina ang nagsilbing lakas niya sa pinakamahihirap na taon ng kanyang buhay bilang kadete, at ang personal na dalamhati na iyon ang naging daan tungo sa isang pampublikong tagumpay na nagsisilbing inspirasyon sa kabataan ng Leyte at ng buong bansa,” dagdag ni Romualdez.
Ayon pa kay Romualdez, ang pinagdaanan ni Cagasan ay sumasalamin sa katatagan na hinubog ng mga pagsubok at layunin.
“Ang kanyang paglalakbay ay nagbibigay ng mas malalim na inspirasyon dahil ipinapakita nito kung ano ang maaaring mabuo mula sa sakit kapag hinarap ito nang may determinasyon, pananampalataya, at malasakit sa tungkulin,” ani Romualdez.
“Ipinagmamalaki siya ng Leyte hindi lamang dahil siya ang nanguna, kundi dahil dala niya ang isang kuwento ng pagkawala, pagpupunyagi, at tahimik na lakas upang magpatuloy sa kabila ng matitinding pagsubok,” dagdag pa niya.
Kinilala rin ni Romualdez ang papel ng Visayas State University (VSU) sa paghubog kay Cagasan bago siya pumasok sa PNPA.
“Ipinapaabot ko rin ang aking pagbati sa Visayas State University, na tumulong sa paghubog kay Van Marie bago siya pumasok sa akademya,” aniya.
Nauna nang kumuha si Cagasan ng Bachelor of Science in Biotechnology sa VSU bilang iskolar ng Department of Agriculture.
“May malalim na kahulugan ang katotohanang ang isang unibersidad na kilala sa agrikultura at agham ay nakapaghubog din ng isang magiging pulis na ang buhay ay sumasalamin sa tapang, tungkulin, at sakripisyo,” ani Romualdez.
“Ipinapakita nito na kapag seryoso ang isang paaralan sa paghubog ng isipan at pagkatao, ang naibibigay nito sa bayan ay hindi lamang mga nagtapos kundi mga lider na may dangal, malasakit, at pusong handang maglingkod,” dagdag niya.
Ayon kay Romualdez, ang VSU ay “nararapat kilalanin hindi lamang dahil sa matagal at kahanga-hangang akademikong pamana nito sa Leyte at Visayas, kundi dahil patuloy itong lumilikha ng mga kabataang ang kahusayan ay nagbibigay ng karangalan sa lalawigan at lakas sa bansa.”
“Sa tagumpay ni Van Marie Editha Gundaya Cagasan, nakita ng Leyte ang isang anak ng rehiyon na tumindig para sa pamilya, paaralan, at bayan. Sa tagumpay na ito, nakita rin ng bansa ang patunay na ang VSU ay nananatiling bukal ng husay, dangal, at pag-asa,” dagdag ni Romualdez.

