WPS

Pangilinan nagbabala sa pagsira sa coral reef ng cyanide fishing sa WPS

264 Views

MARIING kinondena ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang umano’y paggamit ng cyanide ng mga Chinese fishing vessel sa bahagi ng West Philippine Sea, partikular sa Ayungin Shoal — isang gawaing tinawag niyang krimen laban sa kalikasan at kabuhayan ng mga Pilipino.

“Bawal ang paggamit ng cyanide sa pangingisda. Bawal ang mangisda sa EEZ ng may EEZ,” iginiit ni Pangilinan, na pinuno ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform.

Pinuri rin ng senador ang mabilis na aksyon ng Philippine Navy sa pagharang sa mga banyagang barko. “Salamat sa ating Navy at nahuli at na-escort palabas ng bansa ang nagnanakaw ng pagkain ng Pilipino, at sumisira sa pinagmumulan ng kabuhayan ng ating mga mangingisda,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag ng senador na ang paggamit ng cyanide ay nakamamatay sa mga coral reef — ang natural na tahanan at pinamumugaran ng maraming uri ng isda. “Hindi natin pababayaang lasunin ang ating mga tubig at nakawin ang ating kinabukasan,” aniya.

Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ngunit patuloy na pinagtatalunan dahil sa mga hakbang ng China na igiit ang kanilang “nine-dash line” claim.

Ang cyanide fishing ay mariing ipinagbabawal sa ilalim ng Fisheries Code of the Philippines (RA 8550) at may kaakibat na parusa gaya ng pagkakakulong at multa. Ayon sa mga eksperto, ang ganitong paraan ng pangingisda ay nagdudulot ng malawakang pagkasira sa mga coral reef — bagay na hindi madaling maisaayos at naglalagay sa panganib ng kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.