Calendar
Pangilinan: Pinakamalaking DA budget mula 2010 target ang kita ng magsasaka, gutom
SINABI ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na ang panukalang 2026 national budget ay naglalaman ng pinakamalaking alokasyon para sa Department of Agriculture (DA) mula noong 2010, na may mga amyendang naglalayong pataasin ang kita ng mga magsasaka at mangingisda at tugunan ang gutom, lalo na sa mga bata at kabataan.
Ayon kay Pangilinan, na chair ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform at vice chair ng isang Senate subcommittee sa 2026 budget, ipinapakita ng panukalang pondo ang muling pagtuon ng pamahalaan sa agrikultura.
“Gumalaw ang baso, ika nga ng Gen Z. Naging main quest ang side quest,” ani Pangilinan.
Sinabi niyang ang panukalang budget ng DA family ay umaabot sa ₱214.39 billion, kung saan ₱185.8 billion ay para sa DA Office of the Secretary at ₱28.62 billion para sa mga attached agencies.
Ayon sa kanya, nakatuon ang mga amyenda sa credit, insurance, direct market access, at nutrition programs.
“Malinaw ang gusto nating outcome sa budget na ito: tumaas ang kita ng ating farmers and fishers, at mas masustansya at abot-kayang pagkain para sa lahat ng pamilyang Pilipino,” ani Pangilinan.
Sinabi niya na itinaas ang mga alokasyon para sa credit at risk protection, kabilang ang pagtaas ng budget ng Agricultural Credit Policy Council mula ₱2.864 billion sa bersyon ng Kamara patungong ₱3.114 billion, at crop insurance mula ₱5.5 billion patungong ₱6.5 billion, upang makatulong sa pagbangon mula sa mga bagyo at iba pang climate-related shocks.
“Kapag nagastos nang tama ang mga budget na ito sa pautang at insurance, hindi na kailangang mangutang sa ‘5-6’ ang ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi na sila mababaon sa utang at mas madali nang makabangon sa mga bagyo at ibang sakuna,” ani niya.
Tinukoy rin ni Pangilinan ang suporta para sa nutrition-linked agriculture, kabilang ang halos ₱3 billion para sa milk feeding programs na ilalaan sa National Dairy Authority na may ₱1.85 billion at Philippine Carabao Center na may ₱1.12 billion, upang direktang makakuha ng gatas mula sa lokal na dairy farmers.
Pinalawig din ang School-Based Feeding Program mula 120 hanggang 200 school days, kabilang ang 30 araw para sa milk feeding. Saklaw nito ang kindergarten hanggang Grade 1, pati Grade 2 hanggang Grade 6 na mga batang waste hanggang severely wasted.
Kasama rin sa panukalang budget ang ₱500 million para sa pagpapatupad ng Sagip Saka Act sa unang pagkakataon mula nang maipasa ito noong 2019. Ayon kay Pangilinan, sasaklaw ang pilot program sa 17 hanggang 27 kooperatiba at asosasyon, na may tinatayang 9,950 benepisyaryong magsasaka at mangingisda.
“Direkta nang mamimili ang DepEd, DOH, at iba pang ahensya ng pamahalaan sa ating food producers. Sisiguruhin nito na may bibili ng ani at huli ng ating mga magsasaka at mangingisda,” ani Pangilinan.
Para sa sektor ng pangingisda, sinabi ni Pangilinan na nakatanggap ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng dagdag na ₱602 million para sa monitoring, control and surveillance, pati suporta sa mobile water treatment at desalination systems para sa mga fishing households.
Binanggit din niya ang iba pang alokasyon, kabilang ang ₱1 billion para sa Bio-Security for Agriculture and Fishery Enforcement Project na dati ay walang pondo; pagtaas ng Kadiwa ni Ani at Kita mula ₱250 million patungong ₱300 million; at pagtaas ng Agricultural Food Hubs mula ₱2.125 billion patungong ₱2.625 billion.
Ayon kay Pangilinan, palalakasin ng Bio-SAFE Project ang quarantine, inspection at enforcement sa mga pangunahing pantalan upang maiwasan ang pagpasok ng peste, sakit sa hayop at smuggled agricultural products. Aniya, layon ng food hubs na mapahusay ang storage, processing at transport upang mas mabilis makarating ang ani mula bukid patungong pamilihan.
“’Pag pinagsama-sama mo itong mga programang ito, mas ligtas, patas, at abot-kaya ang ating sistema ng pagkain. Itong ganitong budget ang dasurv ng mga nagpapakain sa atin at ng mga kabataang kinabukasan ng bayan,” ani Pangilinan.
Dagdag pa niya, ang susunod na hamon ay ang wastong paggamit ng pondo. “Ang susunod na hamon ay nasa tama at masinop na paggastos ng pera ng bayan,” ani niya.

