Pangilinan

Pangilinan pinapaayos  datos sa supply ng sibuyas

63 Views

PINAPAAYOS ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa mga kinauukulang ahensya ang magkakasalungat na datos sa supply at demand ng sibuyas dahil maaaring mauwi sa sobrang importasyon ang maling bilang.

Iimbestigahan ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform ang umano’y overimportation ng sibuyas at iba pang produktong agrikultural sa susunod na mga pagdinig.

Sinamahan ng senador ang Bureau of Customs, Department of Agriculture at Bureau of Plant Industry noong June 10 sa inspeksyon sa 26 na 20-foot containers ng imported red onions sa Manila International Container Port.

Tinatayang nasa 650,000 kilo ang gross weight ng shipment. Tumugon din si Pangilinan sa mga tanong kaugnay ng pag-abandona sa tinatayang P86 milyong halaga ng imported red onions sa pantalan.

Nauna nang tinukoy ni Pangilinan ang magkakasalungat na datos ng DA at Philippine Statistics Authority sa domestic supply at demand ng red onions.

Ang hindi tugmang datos ay maaaring magdulot ng oversupply at makaapekto sa kita ng mga lokal na magsisibuyas.

“Ayusin ninyo ang inyong mga datos para maiwasan itong overimportation na siyang pumapatay sa mga magsisibuyas nating mga farmers. We have to have a better way of monitoring our supply so that we can manage our importation,” sinabi ni Pangilinan.

Ipapatawag ng komite ang lahat ng nabigyan ng import permits at ang mga operator ng cold storage facilities upang magpaliwanag sa usapin ng umano’y overimportation at sa mga ulat na may traders na nagrereserba ng storage space kaya nawawalan ng access ang mga lokal na magsasaka.

“Yung susunod na hearing, it’s on record na papatawag natin yung lahat ng mga binigyan ng permit, lahat ng mga nag-ooperate ng cold storage facilities para magpaliwanag dun sa usapin nga ng overimportation at yung issue nga na ginagamit ng mga trader, nire-reserba yung cold storage para wala nang access sa cold storage yung local farmers,” sinabi ng senador.