Tai

NHA nagpatupad ng 1 buwang moratorium sa pagbabayad ng housing amortization

Jun I Legaspi Jun 12, 2026
138 Views

NAGPATUPAD ang National Housing Authority (NHA) ng isang buwang moratorium sa pagbabayad ng amortisasyon at naglaan ng P75 milyong pinansyal na tulong sa mga benepisyaryong naapektuhan ng 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8.

Eepektibo ang moratorium mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 30 at sakop ang mga account holders sa mga housing project sng NHA sa Regions IX, X, XI, XII, at XIII.

Ang tulong ay tugon sa direktiba ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong lugar.

Sa panahon ng moratorium, walang ipatutupad na delinquency interest o anumang karagdagang multa sa mga housing beneficiaries.

Magpapatuloy ang regular na hulog (amortization) at bayad sa upa (lease payments) sa Hulyo 1, 2026.

Lahat ng mga multa o interes na naipon bago ang kalamidad ay magpapatuloy din sa naturang petsa.

Binigyang-diin ni NHA General Manager Joeben Tai na ang pagkakaloob ng moratorium ay paunang hakbang pa lamang sa patuloy na dedikasyon ng ahensya na bigyang prayoridad ang pagbangon ng mga apektadong benepisyaryo.

Inatasan ni GM Tai ang mga NHA regional office na magsagawa ng mabilisang pagsusuri sa lahat ng housing site sa mga lugar na nilindol upang malaman ang kalagayan ng mga yunit ng komunidad.

Naglaan rin ang NHA ng P75 milyong tulong para sa 2,500 pamilya sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa Rehiyon XII. Inaasahang makatatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng tig-P30,000.