Calendar
Sotto: Di dapat na ituring na binasura 12-senator quorum claim
SINABI ni Senador Vicente “Tito” Sotto III na hindi dapat ituring na pagbasura sa 12-senator quorum claim sa June 3 session ang pag-dismiss ng Supreme Court sa petisyong may kaugnayan sa Senate leadership dispute.
Ayon kay Sotto, may ilang tao na mali ang pagkaunawa sa naging aksyon ng high court sa petisyong inihain ni John Barry Tayam, na humiling sa Supreme Court na ideklarang valid quorum ang presensya ng 12 senador sa June 3 session.
“Some people misunderstand it,” sabi ni Sotto sa Viber message sa mga reporter. “The petition is not justiceable therefore no need for SC to take it up.”
Sa June 10 press briefer ng Supreme Court, sinabi nito na ibinasura ang petisyon ni Tayam dahil sa kakulangan ng legal standing. Ayon sa high court, hindi naipakita ni Tayam na siya ay nagkaroon, o nasa panganib na magkaroon, ng direct injury mula sa mga aksyong kanyang kinuwestiyon.
Sinabi ng Supreme Court na hiniling ni Tayam na ideklara nitong valid quorum ang presensya ng 12 senador sa June 3 session ng 20th Congress.
Ayon kay Sotto, hindi dinisisyunan ang merito ng usapin dahil procedural ang dismissal.
Sinabi rin niya na may mga pagtatangka na palabasing mali sa publiko ang posisyon tungkol sa 12-of-23 quorum.
“Daming wishful thinking trying to fool people into thinking na mali ang 12 of 23,” ani Sotto.
Ang June 3 proceedings ang humantong sa pagkakahalal kay Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian at sa kanyang pagganap bilang Acting Senate President matapos ideklara ng mayorya ng mga senador na bakante ang lahat ng posisyon sa liderato.
Nananatiling pinagtatalunan ang leadership change. Pinaninindigan ng kampo ni Gatchalian na may valid quorum ang sesyon at balido ang reorganisasyon ng kapulungan, habang kinuwestiyon naman ito ng kampo ni Senador Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Sotto na dapat unawain ang dismissal ng Supreme Court bilang procedural action, hindi bilang pasya na invalid ang June 3 session o mali ang 12-member quorum claim.
Naapektuhan ng leadership dispute ang operasyon ng Senado habang naghahanda ang kapulungan sa mahahalagang proceedings, kabilang ang impeachment process.

