WPS

Pangulong Marcos: Hindi tayo palaaway, pero huwag ninyo kaming aapihin sa WPS

17 Views

MULING iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang polisiya na ang Pilipinas ay hindi nagsisimula ng kaguluhan sa West Philippine Sea (WPS), ngunit handang ipaglaban ang soberanya at integridad ng teritoryo nito.

Sa huling bahagi ng BBM Podcast Episode 2 na ipinalabas nitong Sabado, nanindigan ang Pangulo na tinitiyak ng pamahalaan ang proteksyon ng mga mangingisdang Pilipino laban sa anumang uri ng panggigipit sa loob ng karagatang sakop ng bansa.

“Hindi naman tayo nakikipag-away. Pero huwag niyong binabangga ‘yung mga mangingisda, hindi ba? Huwag n’yo kaming hinaharang do’n sa teritoryo namin. Iyon ipaglalaban talaga namin ‘yan,” ani Pangulong Marcos.

“Dahil kapag ibinigay mo ‘yan, sabi nga nila, ‘You give them an inch, they will take a mile.’ Kaya kahit isang pulgada, hindi dapat isuko,” diin pa ng Pangulo.

Ayon pa sa kanya, ang kasaysayan ang magpapatunay na sa ilalim ng kanyang administrasyon, ipinatanggol at pinangalagaan ng Pilipinas ang teritoryo nito sa WPS.

“Hindi tayo sumuko. Patuloy nating ipinagtanggol ang soberanya ng Republika. Patuloy nating pinoprotektahan ang teritoryo ng Republika. At patuloy nating ipinaglalaban at pinangangalagaan ang mamamayan ng Republika,” wika ng Pangulo.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensiya ng gobyerno, maraming ulit nang naitala ang mga insidente ng panggigipit ng mga barko ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Iniulat ni PCG spokesman Commodore Jay Tarriela na nitong Biyernes ng umaga, ginamitan ng water cannon ng mga barko ng China Coast Guard ang mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang pigilan ang pagbibigay ng ayuda at suporta sa mga mangingisdang Pilipino sa Panatag Shoal sa Zambales.

Ang Panatag Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, ay matatagpuan sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Ayon sa PCG, nakaiwas naman sa matinding pinsala ang mga barko ng BFAR at ipinagpatuloy pa rin ang kanilang misyon na protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga lokal na mangingisda. PND