Utak sa pagpatay UTAK–Ang mugshot ng hinihinalang utak sa pagpatay sa Brgy. Captain ng San Isidro Lupao. Kuha si Steve Gosuico

Pangunahing suspek sa pagpatay sa barangay captain, timbog

Steve A. Gosuico Aug 19, 2024
33 Views

CABANATUAN CITY–Natimbog ang hinihinalang “utak” sa pagpatay kay Lupao Barangay Captain Reginald Espiritu noong Enero 24, 2023 sa manhunt ng Nueva Ecija police sa Sta. Barbara, Pangasinan noong Biyernes.

Kinilala ni Nueva Ecija police chief Col. Richard Caballero ang naaresto na si alyas Kendrik, 46, ng Brgy. San Isidro, Lupao.

Hindi nanlaban ang suspek nang isilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest sa kanya kaugnay ng pagpatay sa biktima sa Brgy. Maronong, Sta. Barbara dakong alas-11:45 ng umaga.

Ayon kay Caballero, pangunahing suspek sa pagpatay kay Espiritu si alyas Kendrik. Pinagbabaril hanggang sa mamatay ng apat na suspek na sakay ng dalawang motorsiklo sa harap ng kanyang bahay ang barangay.

Walang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.

Nasa kustodiya na ngayon ng Lupao police ang naarestong suspek, ayon sa mga pulis.

Sinabi ni Caballero na: “Binibigyang-diin ang pag-aresto kay alyas Kendrick ang kakayahan ng ating kapulisan na walang sawang nagsisikap para matiyak na laging nabibigyan ng hustisya ang publiko.”