Calendar
Pangyayari sa ‘rally’ sa harap ng DAR sinusuri ng QCPD
INIHAYAG ng Quezon City Police District (QCPD) na iniimbestigahan nito ang viral video ng komprontasyon sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City noong Oktubre 19, kung saan tinatayang 200 katao ang nagtipon dakong alas-5 ng hapon.
Ayon sa QCPD, pinigilan ng mga pulis ang isang indibidwal na nagpakilalang miyembro ng media dahil umano sa hindi maayos na asal. Pinalaya rin ito at walang isinampang kaso.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang mga pangyayari at posibleng paglabag sa Batas Pambansa Blg. 880 at Revised Penal Code.
Samantala, iniutos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang hiwalay na imbestigasyon at iginiit na dapat pairalin ang maximum tolerance at igalang ang karapatan sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag.
Batay sa lokal na pamahalaan, nagtungo ang mga magsasaka sa DAR para sa nakatakdang dayalogo, ngunit alas-5 na ng hapon nang matanggap ng city government ang sulat ng ahensya hinggil sa aktibidad.
Iginiit ni Belmonte na dapat pahintulutang manatili ang mga magsasaka hanggang tanghali ng Martes upang maipahayag ang kanilang mga hinaing.
Nakipagpulong na rin ang lokal na pamahalaan sa DAR, QCPD at mga kinatawan ng mga magsasaka upang matiyak ang maayos na sitwasyon sa lugar. Nangako naman ang mga magsasaka na pananatilihin nilang malinis ang kanilang pinagtitipunan.

