Calendar
Negosyante binaril ng RIT habang tinatanggap parcel na inorder, tsugi
BINARIL sa ulo ng armadong suspek ang 32-anyos na negosyante sa harap mismo ng kanyang motor shop na kanya ring tirahan Lunes ng gabi sa Malabon City.
Bumulagta kaagad ang biktimang si alyas “Mark Anthony” habang nakita ng testigo ang suspek na sumakay sa motorsiklong minamaneho ng kasabuwat at tumakas patungong Langaray St. sa bahagi ng Caloocan City.
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili kay Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission, lumabas ng kanyang bahay sa Blk 8H, Lot 7, Teachers Village, Brgy Longos ang biktima dakong alas-11:05 ng gabi nang dumating ang delivery rider na may dala sa kanyang biniling produkto.
Lumabas sa imbestigasyon nina P/MSg Michael Oben at P/SSg. Bengie Nalogoc na habang tinatanggap ng biktima ang pakete, biglang dumating ang dalawang magka-angkas sa motorsiklo at nang bumaba ang isa, bumunot agad ng baril at malapitang pinaputukan ng dalawang beses sa ulo ang biktima sa harap ng nahintakutang delivery rider.
Nagsasagawa na ng forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar na makakatulong upang makilala at madakip ang mga salarin.

