Martin1

Panukala na magpapalakas sa Bases Conversion and Development Authority pasado sa Kamara

148 Views

SA botong 231-3, inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na magpapalakas sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) upang mas mapangasiwaan nito ang mga dating base at pasilidad ng military gaya ng nasa Subic, Clark, Baguio City, at Metro Manila.

Aamyendahan ng House Bill (HB) No. 8505 ang ilang probisyon ng Republic Act (RA) No. 7227, ang batas na lumikha sa BCDA.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang RA 7227 ay naisabatas noong 1992 kaya kailangan na umano itong amyendahan upang mas magawa ng BCDA ang mandato nito sa pangangasiwa sa mga dating base militar.

“The conversion of these assets is intended primarily for the benefit of the Armed Forces of the Philippines (AFP), the communities around them and the nation in general,” ani Speaker Romualdez, lider ng 311-miyembro ng Kamara.

Ayon kay Speaker Romualdez malaking bahagi ng kinikita mula sa mga dating base ng sundalo sa Metro Manila ay ginamit sa AFP modernization program.

Sinabi rin ng lider ng Kamara na ang paglinang sa dating American navy at air force bases sa Subic sa Zambales at Clark sa Angeles City, Pampanga bilang special economic zones (SEZs) ay napakinabangan ng mga komunidad sa paligid nito, ng lokal na pamahalaan, at ng ekonomiya ng bansa.

“We have airports in Clark and Subic. Subic also has a deep water port. With the necessary infrastructure, these two SEZs can be transformed into regional manufacturing and logistics hubs and tourist destinations. We have to maximize their potential,” sabi ng lider ng Kamara.

Ang HB No. 8505 ay nabuo mula sa mga panukala nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. ng ikatlong distrito ng Pampanga at Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo ng ikalawang distrito ng kaparehong probinsya.

Ang iba pang may-akda ng panukala ay sina Reps. Faustino Dy, Ricardo Cruz Jr., Ramon Jolo Revilla, Maria Angela Garcia, Jefferson Khonghun, Mark Go, Noel Rivera, Juan Carlos Atayde, Francisco Paolo Ortega V, Christopher de Venecia , Emigdio Tanjuatco III, Reynolds Michael Tan, Wilbert Lee, Christian Tell Yap, Jam Baronda, at Manuel Jose Dalipe.

Sa ilalim ng HB No. 8505 ay itataas ang kasalukuyang P100 bilyong kapital ng BCDA sa P400 bilyon.

Ang termino ng prangkisa rin ng BCDA ay dinadagdagan din ng 50 taon na maaari na muling palawigin sa hinaharap.

Binibigyan din ng kapangyarihan ang BCDA na gawing residential o residential mixed-use ang bahagi ng lupang pinangangasiwaan nito upang makabili ng lupa ang mga nagtatrabaho sa economic zone.

Nililimitahan naman ng panukala sa limang porsyento ng kabuuang lupa ng economic zone ang maaaring gawing residential area.

Ang BCDA ay inaatasan na magsumite ng ulat sa Office of the President kada tatlong taon kaugnay ng mga lupang ginamit na residential area.